Malacañang: Duterte, may karapatang kumalap ng ebidensya laban kay Maria Ressa

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Pangulong Rodrigo Duterte

Wala umanong mali sa ginagawang hakbang ni Pangulong Rodrigo Duterte na pagkalap ng ebidensya para patunayang “manloloko” si Rappler Chief Executive Officer (CEO) Maria Ressa, ayon sa Malacañang noong Hulyo 9.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, karapatan ng pangulo na ibunyag ang anumang iregularidad na ginawa ng isang tao, kabilang na si Ressa.

Aniya, “Iyan naman po ang trabaho – patuparin ang batas. So hayaan na po natin ang imbestigasyon at sa takdang panahon, ilalabas naman po iyan”.

Sa isang televised public address noong Hulyo 7, sinabi ni Duterte na kumakalap siya ng mga dokumento nang ilang taon na para patunayan na “manloloko” si Ressa. Pagkatapos nito, ibubunyag niya umano ito sa publiko.

Inabusihan naman Roque ang publiko na antayin na lamang ang anunsyo ng pangulo.

“Well, I don’t have to annotate kung ano ang sinabi ni Presidente . Meron pa pong hinahanda so hintayin po natin kung ano ang hinahanda,” ani Roque.

Sinagot naman ni Ressa ang mga pahayag ng pangulo tungkol sa kanya sa kanyang Twitter account at sinabing masyadong “maraming nakikitang panloloko ang pangulo mula sa kinauupuan nito”.

Ipinahayag ng pangulo ang kanyang hakbang laban kay Ressa halos isang buwan matapos mahatulutang guilty sa kasong cyber libel ang Rappler CEO.

Noong Hunyo 15, nagpasya ang Manila Regional Trial Court Branch 46 pabor sa negosyanteng si Wilfredo Keng, na nagsampa ng kasong cyber libel noong 2017 kontra kay Ressa at sa dating mananaliksik ng Rappler na si Reynaldo Santos Jr.

Ito ay alinsunod sa artikulong inilathala ng Rappler noong Mayo 29, 2012, kung saan inakusahan si Keng na ipinahiram ang kanyang sports utility vehicle sa yumaong dating chief justice Renato Corona na noo’y nahaharap sa impeachment.

Samantala, ibinahagi naman ng National Union of Journalist of the Philippines noong Hulyo 9 ang kopya ng liham na ipinadala ng mga miyembro ng European Parliament kay Duterte, kung saan hinikayat ang pangulo na bitawan ang lahat ng mga kaso laban kay Ressa.

Ayon sa legislative body ng European Union, ang hatol kay Ressa ay kabahagi ng “pinlanong legal harassment” laban sa kanya at sa Rappler.

Samantala, sinabi naman ni Roque na hindi mangingialam ang Palasyo sa nasabing cyber libel case dahil pribadong indibidwal umano si Keng na naghain ng kaso laban kay Ressa.

“Well, ang kaso po na cyber libel, isang pribadong indibidwal po ang nag-sampa niyan at ang nag-litis po niyan, nag-prosecute ay isang pribadoing abugado rin,” giit ng tagapagsalita ng pangulo.

LATEST

LATEST

TRENDING