Pinabulaanan ng ABS-CBN Corp. noong Hulyo 9 ang mga alegasyon na nag-abot ito ng suhol sa isang mambabatas para bumoto nang pabor sa franchise renewal ng network.
“ABS-CBN did not send an emissary to bribe any lawmaker to vote in favor of our franchise application (Hindi nagpadala ang ABS-CBN ng emisaryo para suhulan ang sinumang mambabatas para pumabor sa aming aplikasyon para sa prangkisa),” giit ng kumpanya.
Idiniin ng ABS-CBN na dumaan ito sa tamang proseso sa pagtugon nito sa mga isyung kinakaharap patungkol sa franchise renewal.
Noong Hulyo 8, sinabi ni ACT-CIS Partylist Rep. Eric Yap, na kaalyado ng administrasyon, na may emisaryo umano mula ABS-CBN na nagtangkang suhulan siya ng P200 milyon kapalit ang pagboto sa pagbibigay ng prangkisa sa network.
Aniya, “More than two weeks ago, may tumawag sa atin, nagpakilalang emisaryo ng ABS-CBN at hinimok tayong bumoto pabor sa ABS-CBN kapalit ng ₱200 million”.
Tinanggihan ito umano ni Yap, ngunit hindi agad ipinagbigay-alam sa media sapagkat hindi siya nakatitiyak sa identidad ng taong lumapit sa kanya.
Samantala, ayon kay Legislative franchises committee chair Rep. Franz Alvarez, wala pang itinakdang petsa para sa botohan tungkol sa franchise renewal ng network.
Mahigit 90 na mambabatas, kabilang ang mga miyembro ng legislative franchises committee members at ex-officio House leaders, ay inaasahang magpapasya sa kapalaran ng ABS-CBN na ipinasara noong Mayo 5 matapos magwakas ang prangkisa nito.