Malacañang, muling idiniing ‘neutral’ si Duterte sa isyu ng ABS-CBN

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media

Iginiit ng Malacañang na dapat idiretso sa Kongreso ang anumang apela sa pag-renew ng prangkisa ng broadcast network na ABS-CBN dahil “neutral” umano si Pangulong Rodrigo Duterte sa isyung ito.

Nanawagan ang iba’t-ibang sektor kay Duterte na suportahan ang franchise renewal ng ABS-CBN dahil libu-libong manggagawa aniya ang mawawalan ng hanapbuhay kung tuluyan itong magsasara.

The President has said that members of Congress can vote according to their conscience because he is neutral (Sinabi ng pangulo na boboto ang mga mambabatas nang naaayon sa kanilang konsensya sapagkat neutral siya dito),” ani Presidential spokesman Harry Roque.

Dagdag pa ni Roque, “The position of the President is he is neutral when it comes to ABS-CBN. They apologized and he has forgiven them (Neutral ang posisyon ng pangulo sa isyu ng ABS-CBN. Humingi na sila ng tawad at sila ay pinatawad na ng pangulo)”.

Ang tinutukoy ng tagapagsalita ng pangulo ay si ABS-CBN president at chief executive officer Carlo Katigbak na humingi ng tawad kay Duterte noong Pebrero dahil sa hindi pag-ere ng ABS-CBN sa campaign advertisements nito noong 2016 presidential elections.

Iginiit ni Katigbak na sumunod lamang umano ang network sa mga panuntunan sa pag-ere ng mga political ads.

Tinaggap naman ni Duterte kinalaunan ang paghingi ng tawad at sinabing ibigay na lamang ang P2.6 milyong ibinayad niya para sa ads sa isang institusyong pagkawanggawa na pipiliin ng network.

Nang taungin kung ano ang reaksyon ng Malacañang sa mga mambabatas na ginawang dahilan ang pagdinig sa ABS-CBN franchise sa paglalabas ng kani-kanilang mga personal na hinanaing sa network, sinabi ni Roque na: “Let’s just respect the power of the Lower House because the bill renewing the franchise of ABS-CBN should emanate from them (Igalang natin ang kapangyarihan ng Mababang Kapulungan sapagkat sa kanila manggagaling ang franchise bill ng ABS-CBN).”

Maghahain ng “conscience vote” ang mga mambabatas sa kanilang pagpapasya kung bibigyan ng panibagong prangkisa ang ABS-CBN o hindi.

Sinabi ito ni House Speaker Alan Peter Cayetano habang inaasahan ang pagtatapos sa ginagawang pagdinig ng House joint committee sa legislative franchises, good government, at public accountability.

Samantala, inamin naman ni Katigbak na dapat noong 2016 pa raw sila humingi ng tawad sa pangulo tungkol sa mga ads nitong hindi inere.

Inamin ito ng network CEO kay Dasmarinas City Rep. Elpidio Barzaga Jr. kung saan Mayo 2016 pa raw nila napag-alaman ang isyu hinggil sa mga ads na hindi inere, ilang araw lamang matapos ang halalan.

Ipinahayag naman ni Katigbak na ibinalik nila ang P6 milyon ni Duterte sa apat na tranche.

LATEST

LATEST

TRENDING