BJMP: Mahigit 18k detainees, pinalaya sa gitna ng Covid-19 pandemic

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Kuha ni: Maria Tan (AFP Photo)

Ipinahayag ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) noong Hulyo 8 na pinalaya nito ang aabot sa 18,915 na mga detainees para maibsan ang paninikip sa mga kulungan habang nasa kalagitnaan ng Covid-19 pandemic.

Ayon kay BJMP Chief Jail Director Allan Iral, karamihan sa mga pinalaya ay sangkot lamang sa mga minor cases ang ilan sa kanila ay nakatapos na ng kanilang sentensya.

“Since March up to July today, meron na po kaming napalabas na 18,915 na mga PDLs. Ang elderly dito, ito yung 60 years old pataas, 388. Yung mga may sakit, 586. At saka, yung mga buntis 21 yung naipalabas natin. Itong mga napalabas nating vulnerable o high risk PDLs ay 995, almost 1,000,” ani Iral.

Iginiit ni Iral na napalaya ng mga detainees, na kilala rin sa tawag na Persons Deprived of Liberty (PDLs), sa tulong ng kanilang paralegals, ng korte at ng mga huwes.

Dahil sa pananalasa ng Covid-19 pandemic, naapektuhan ang 48 sa kabuuang 470 na pasilidad ng BJMP. Tatlong regional offices din ang naapektuhan habang nananatili naman sa lockdown ang Region 7 matapos magpositibo ang tatlo nitong personnel.

Aniya, “Meron talaga po tayong compromised jail facility. Aaminin po natin ‘yan. Hindi po tayo exempted sa COVID”.

Idinagdag naman ni Iral na ginagawa ang lahat ng BJMP upang matiyak na Covid-free ang ibang mga pasilidad sa pamamagitan ng pagpapatupad ng minimum health standards katulad ng pagsusuot ng face mask, physical distancing, hand washing, foot baths, at monitoring at isolation ng mga may sakit na PDLs.

“Dito sa compromised jail facilities, continue yung ating triage, hindi lang sa PDL, kasama rin ang personnel,” giit ni Iral.

Nakapagtalaga rin aniya ng mga isolation cells at apat na Ligtas Covid Centers sa Metro Manila, Regions 3, 4A, at Cebu.

“Lahat na magpo-positive na PDL natin, doon natin dinadala,” paglilinaw ni Iral.

Dagdag pa niya, “Yung ibang regions na walang Ligtas COVID Centers pero merong silang mga selda na naka-prepare, automatic, pag na-detect sila, even meron lang silang symptoms, ina-isolate na kaagad natin at tine-test”. 

Ayon sa BJMP Chief, sa 926 PDLs na nagpositibo sa Covid-19, 739 na ang gumaling habang 141 naman ay active cases. Sa 168 namang kaso ng mga jail officers, 117 na ang gumaling, 50 ang aktibo, at isa ang nasawi.

Wika ni Iral, “Merong din tayong personnel na namatay – yung jail warden natin ng Argao District Jail sa Cebu. Namatay siya, then na-swab, lumabas sa result COVID-positive siya. Kaya lahat ng nakasalamuha ng warden natin, naka-isolate sila”. 

Naniniwala naman itong maganda umano ang recovery rate ng mga kaso sa BJMP dahil 70 porsyento aniya ng mga nagpositibong officers at PDLs ang gumaling na.

Samantala, ipinahayag din ng BJMP chief na maaaring makipag-usap ang mga PDLs sa kani-kanilang mga mahal sa buhay sa pamamagitan ng serbisyong e-dalaw habang nananatiling suspendido pa rin ang pisikal na pagbisita.

“Kung gusto nilang makontak mga mahal nila sa buhay, puwede naman silang mag-e-dalaw. Makipag-coordinate sila sa BJMP,” diin ni Iral.

LATEST

LATEST

TRENDING