Pinuri ni National Task Force on COVID-19 chief implementer Secretary Carlito Galvez Jr. ang ilang mga lokalidad sa bansa sa ipinamalas nitong kahusayan sa pag-implementa ng quarantine protocols laban sa Covid-19 pandemic.
Ayon kay Galvez, nakatulong umano ang “unity of command and unity of effort” sa mga lugar katulad ng Davao City, Cordillera Administrative Region, Caraga region, National Capital Region, at Regions 1, 2, 6 at 8 upang mapigilan ang lalo pang paglaganap ng coronavirus.
“We have seen that the areas with unity of command and unity of effort, we were able to manage and contain the spread of COVID-19 (Nakita natin na sa mga lugar na may pagkakaisa sa direksyon at pagkilos, natugunan natin ang paglaganap ng Covid-19,” ani Galvez.
Binanggit naman ni Galvez na ang pananatili ng hidwaan sa pulitika sa Cebu gayundin ang kawalan ng pagkakaisa ay siyang naging dahilan umano kung bakit nahirapan ang pamahalaan lokal sa pag-implementa ng quarantine protocols.
Aniya, “So ‘yun po ang kailangan natin, kailangan pong pagkakaisa tayo po dahil kasi minsan kapag hindi nagkakaroon ng pagkakaisa, katulad po ng nangyari sa Cebu, nagkaroon ng hidwaan sa pulitika, talaga pong minsan hindi sumusunod ang mga tao”.
Sinabi rin ni Galvez na dapat bawasan ang fatality rate sa bansa upang maisakatuparan ang muling pagbubukas ng ekonomiya.
“We need the capacity of the national government and the LGUs to address and manage cases in order to minimize the fatality rate and deaths (Kailangan ang kapasidad ng parehong nasyonal at lokal na pamahalaan para tugunan ang mga kaso nang maibsan ang fatality rate at mga nasasawi),” wika niya.
Sa ngayon, matagumpay naman umano ang bansa sa pagtugon nito sa bilang ng mga namamatay sapagkat mayroon lamang average na 11 deaths simula Hunyo 1 hanggang 30, at 6 deaths naman mula Hulyo 1 hanggang 6.
Aniya, “At ayun po ang nakikita po natin, if we address the rate of deaths, we can open our economy (kung matutugunan natin ang mga namamatay, puwede nating buksan ang ekonomiya). ‘Yun po ang pinaka-ultimate objective po natin, that we have to manage the death like other countries like (na kailangang bawasan ang mga namamatay katulad ng mga bansang) Vietnam and Israel”.