Malacañang: Pasilidad para sa mga Covid-19 patients sa NCR, sapat

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Presidential Spokesperson Harry Roque

Sa pagkakatala ng pinakamataas na pag-akyat ng Covid-19 cases noong Hulyo 5 sa 2,434, tiniyak ng Malacañang sa publiko na may sapat na pasilidad ang National Capital Region (NCR) para sa mga pasyente ng Covid-19.

“Nililinaw po namin na yung mga kumakalat na fake news na ubos na daw po ang mga hospital beds ng ating mga hospital, hindi po yan totoo,” ani Presidential Spokesperson Harry Roque.

Dagdag pa niya, “Ang critical care utilization ng Metro Manila, at ito po ay kasama na yung hospital beds, ICU beds, yung mechanical ventilator, at saka mga isolation beds ay nasa 63 percent”.

Ibinalita rin ng tagapagsalita ng pangulo na nagkasundo ang Department of Health (DOH) at mga medical directors ng Metro Manila hospitals na 30 porsyento ng hospital bed capacity ay ilalaan para sa mga pasyente ng Covid-19.

Aniya, “So ang napagkasunduan po ay talagang mag-aallot ng 30 percent of hospital beds para sa COVID, bagamat humingi po ang mga pribadong ospital na kung pupwede payagan muna sila hanggang 20 percent at saka na po mag-iincrease”.

Sinabi rin ni Roque, na siya ring IATF Spokesperson, na malayo pa umano bago mapuno ang nasabing 30 percent ng mga hospital beds.

Paglilinaw niya, “Hindi pa po nabi-breach itong 30 percent na ito. Bakit po? Kasi marami po, lalong-lalo na yung mga pribadong ospital, less than 30 percent ang kanilang ina-allot po dahil dun sa tinatawag na absorptive capacity.”

Samantala, binanggit din ng Presidential Spokesperson na itinalaga si DOH Undersecretary Leopoldo “Bong” Vega bilang pinuno ng One Hospital Incident Command.

Si Vega ay inaatasang mag-determina at magbigay ng regular na impormasyon hinggil sa critical care utilization at hospital care and capacity.

Sa parehong briefing, inanunsyo naman ni Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Benjamin Diokno na hindi magkakaroon ng interes ang interes at wala umanong ipapataw na penalty para sa mga late o delayed payments sa mga loans at credit cards.

Inabisuhan din ni Diokno ang publiko na makipag-ugnayan sa kani-kanilang mga bangko kung nahihirapan ang mga ito sa pagbabayad ng interes sa kanilang mga loans dahil nagbigay umano ng solusyon ang BSP para sa problemang ito.

Sa usapin naman kung paano mapapanumbalik ng BSP ang kumpiyansa ng mga konsumer, iginiit ni Diokno na binawasan ng BSP ang interest rate nang 175 porsyento— ang pinakamababang interest rate sa kasaysayan ng bansa.

Dahil dito, ipinaliwanag ni Diokno na ito na ang magandang panahon para mag-invest, mag-umpisa ng negosyo, o magpa-renovate ng tahanan bunsod ng mababang interest rate.

Ayon sa BSP Governor, nais ng ahensya na hikayatin ang consumption, production, at investment para muling maibangon ang ekonomiya.  Kung hindi raw ito mangyayari, mananatiling paralisado ang ekonomiya ng bansa.

Idiniin din ni Diokno na maganda ang estado ng inflation sa bansa.

LATEST

LATEST

TRENDING