Matapos umapela si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga sundalo na maging kalmado habang isinasagawa ang imbestigasyon tungkol sa pagkamatay ng apat na sundalo sa Jolo, Sulu, pinaalalahanan din niya ang mga ito na walang ibang pangulo aniya ang nagbigay ng matinding pagpapahalaga sa militar kundi siya lamang.
Aniya, “Walang ibang presidente ng Pilipinas na lumingon para sa inyo, totoo ‘yan. ‘Yon sweldo, pati ‘yong mga equipments ninyo sa ospital, pati ‘yong medisina para sa gamot”.
Noong Hunyo 29, pinagbabaril ng mga pulis sa Jolo, Sulu ang apat na Army intelligence personnel.
Ayon sa mga opisyal ng Philippine National Police (PNP), “misencounter” ang naganap.
Subalit, ayon kay Army chief Lt. Gen. Gilbert Gapay, ito ay murder. Idinagdag din ni Gapay na dapat umanong sibakin ang mga opisyal ng Sulu police na sangkot sa insidente.
Iginiit naman ng pangulo na ang kanyang mga pagpapaalala ay hindi upang humingi ng pabor sa mga sundalo kundi upang ipaliwanag sa mga ito ang kanilang mandato.
“It’s not because nagpapalakas ako. Bakit ako magpapalakas, trabaho naman natin ‘to. In the same manner that the police would also need you, they cannot handle the insurgency problem. So we need the Armed Forces of the Philippines to keep the integrity of this republic so that the people would be protected (Sa parehong paraan, kakailanganin din kayo ng pulis, hindi nila kaya ang problema sa mga rebelde. Kaya naman kailangan natin ang AFP para mapanatili ang integridad ng republika para maprotektahan ang taumbayan),” ani Duterte.
Ipinaliwanag din ng pangulo na karamihan ng miyembro sa kanyang Gabinete ay dating mga opisyal ng militar.
Wika ni Duterte, “Hindi ba kayo nagtaka? Baka sabihin niyo nagpapalakas ako sa military, tignan mo ‘yong cabinet ko, kalahati puro retired general. Kalahati ng cabinet member, predominantly dyan — ang Bisaya dyan dalawa na lang, si Briones pati ako. Pero ‘yan, sundalo, sila (Secretary) Delfin (Lorenzana)”.
Sa ilalim ng termino ni Duterte, tinaasan ang sahod ng mga sundalo na ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana ay nakapagpaangat umano sa morale ng mga sundalo.
Gayunpaman, bagama’t maraming tao ang pumuri sa pangulo sa inisyatibo nitong modernisasyon sa AFP, marami pa ring pumupuna na baka maging delikado ang masyadong pagbibigay atensyon sa militar lalo na sa Covid-19 response – dahil tila isang “military junta” aniya ang kinalalabasan ng Gabinete.