Diokno: Pulis ang tunay na ‘pasaway’

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media

Bagama’t iniuugnay ng pamahalaan ang pagtaas sa bilang ng mg Covid-19 cases sa pagsuway ng mga tao sa quarantine protocols, idiniin ni human rights lawyer Chel Diokno na mas akma aniya sa pulis ang terminong “pasaway”.

Sa kanyang viral na tweet, ipinahayag ni Diokno na ang Philippine National Police (PNP) ang siyang naging sangkot sa ilang mga kontrobersya sa nakalipas na buwan, kung saan panghuli ay ang pamamaril ng mga pulis sa apat na sundalo sa Sulu.

Aniya, “PNP ang pumaslang sa apat na sundalo sa Jolo, PNP ang nang-maltrato sa tauhan ng [Department of Environment and Natural Resources] sa Palawan, PNP ang pumatay kay Corporal [Winston] Ragos. PNP ang lumabag sa quarantine para mag-mañanita”.

“Sino ang totoong pasaway?” tanong ni Diokno.

Isinama rin nito sa kanyang tweet ang hashtag na #IdisiplinaAngPulisya.

Samantala, iginiit ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na bagama’t sumusunod naman ang mga Pilipino sa quarantine protocols, karamihan pa rin sa kanila ay mga pasaway.

Ito ay sa kabila ng pag-aaral ng mga kumpanyang Google LLC at Apple Inc. kung saan ipinakita na nanatili sa kani-kanilang mga tahanan ang mga Pilipino hindi lamang noong lockdown, kundi pati na rin noong umpisahang paluwagin ang paghihigpit noong Hunyo 1.

Ayon naman kay Diokno, ilan sa mga pulis ay nahaharap sa mga kaso dahil sa mga reklamong isinampa sa kanila.

Si NCRPO Chief Maj. Gen. Debold Sinas at 18 pang iba ay nahaharap sa mga kasong krminal at administratibo dahil sa pagdaraos ng mañanita para ipagdiwang ang kaarawan ni Sinas bagama’t mariing ipinagbabawal ang mass gatherings hanggang sa ngayon.

Gayunpaman, hindi sinibak ni Pangulong Rodrigo Duterte si Sinas dahil isa  umano itong tapat at magaling na pulis.

Naghain naman ng resolusyon noong Hulyo 2 si Senador Risa Hontiveros upang ipanawagan ang paglulunsad ng imbestigasyon tungkol sa pagkamatay ng apat na sundali sa Jolo, Sulu.

LATEST

LATEST

TRENDING