Hindi sinang-ayunan ng Malacañang ang ulat ng World Health Organization (WHO) na nangunguna ang Pilipinas sa pagtaas ng bilang ng mga Covid-19 cases sa Western Pacific region.
Kasabay nito, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi tama ang paghahambing ng Pilipinas sa Singapore, na may mas maliit na populasyon.
“We beg to disagree (Hindi kami sang-ayon). Syempre po kung titingnan natin yung pagtaas ng kaso dapat ‘yan in relation to your population,” giit ni Roque sa isang press briefing.
Kinuwestyon ng tagapagsalita ng pangulo ang WHO statistics at idiniing dapat isaalang-alang ang populasyon ng isang bansa sa pagkukumpara sa bilis ng virus transmission sa iba’t-ibang panig ng mundo.
Aniya, “Bakit tayo ikukumpara sa Singapore eh ang Singapore 5 milyon lang po yan. Isang siyudad lang po yan”.
Ayon sa ulat ng WHO, mula Hunyo 17 hanggang 23, nakapagtala ang Pilipinas ng pinakamaraming bagong bilang ng Covid-19 cases, ang pinakamabilis na 7-day moving average sa Western Pacific region.
Gayunpaman, iginiit ni Roque na pang-anim lamang ang bansa sa Western Pacific region kung ibabatay ang mga kaso sa per million population basis, kung saan nangunguna ang India kasunod ng Pakistan, Bangladesh, Indonesia, at Singapore.
Subalit, hindi kabahagi ng Western Pacific region ang India, Pakistan, Bangladesh, at Indonesia ayon sa demographical classification ng WHO. Ang Pakistan ay nasa Eastern Mediterranean region habang at natitirang tatlong bansa ay nasa South-East Asia region naman.
Sa presentasyon ni Roque, ni-rank nito ang mga kaso sa buong Asya sa halip na sa Western Pacific Region.
Nang tanungin tungkol sa maling klasipikasyon, sinabi nitong, “I’m not going nitpicking on this but as far as I know, India, Pakistan, and Bangladesh are still Asian countries (Ayokong mag-aksaya ng panahon pero sa pagkakaalam ko, Asyanong bansa pa rin ang India, Pakistan, at Bangladesh).”
Binanggit din ni Roque na naging tama aniya ang mga ipinatupad na hakbang ng gobyerno sa pagtugon sa Covid-19 krisis.
Ayon naman sa Department of Health (DOH), hindi dapat ikumpara ang Pilipinas sa ibang mga bansa nang hindi isinasaalang-alang ang socioeconomic na estado ng mga pinaghahambing na bansa.