Idinidiin ng pamahalaan na napagtatagumpayan nito ang laban kontra Covid-19 bagama’t patuloy ang pagtaas sa bilang mga kaso sa bansa.
Naunang sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque noong nakaraang linggo, na bumubuti ang paglaban ng Pilipinas sa Covid-19 kahit na tumataas ang bilang mga mga kaso.
Pinabulaan naman ito ni Pangalawang Pangulo Leni Robredo, at sinabing naging “kampante” ang gobyerno sa mga unang araw ng pandemiya at nagtagal aniya ng dalawang linggo bago mag ban ang gobyerno ng flights mula sa China, kung saan nagmula ang coronavirus.
Tinuligsa rin ni Robredo ang hindi pagtupad ng gobyerno sa mga itinakda nitong testing targets.
Iginiit naman ni Roque na walang basehan ang mga paratang ni Robredo na “in denial” ang pamahalaang nasyonal.
Ayon naman kay Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo, maaari naman aniyang ipahayag ni Robredo ang kanyang mga suhestyon sa mga ahensya sa halip na sa harap ng media.
“Our advice to (Vice President) Leni, if you have suggestions, write a letter to us. You have access to everyone. You know our telephone numbers for one. You can text us immediately, we respond naman immediately or you may write us a letter (Ang payo namin kay Leni, kung may mga suhestyon, sumulat lamang ng liham sa amin. May access ka sa lahat. Mayroon kang telephone numbers. Puwede mo rin kaming i-text agad, sasagot naman kami agad o di kaya ay magpadala ng liham),” ani Panelo.
Samantala, binigyang diin ng pangalawang pangulo na bagama’t kulang ang pondo ng kanyang tanggapan, patuloy naman aniya ito sa paghahatid ng tulong sa mga nangangailangan nito sa panahon ng pandemiya.
Nanawagan din si Robredo para sa transparency sa paggastos ng gobyerno sa Covid-19 response sa pagbabadya ng pagpasa ng Kongreso ng Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan Act 2.
Sinabi rin nitong kinakailangan ng publiko ang mas detalyadong ulat tungkol sa Bayanihan to Heal as One Act.
Inaasahang mag-aanunsyo si Pangulong Rodrigo Duterte sa Martes, Hunyo 30, tungkol sa kanyang pagpapasya tungkol sa mga bagong patakaran ng community quarantine sa bansa.