Robredo sa Malacañang: “Sana wag masyadong maging balat-sibuyas”

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Pangalawang Pangulo Leni Robredo

Pinaalalahanan ni Pangalawang Pangulo Maria Leonor “Leni” Robredo ang Malacañang na maging bukas ito sa pagtanggap ng mga kritisismo, matapos ang ilang akusasyong puro paninisi na lang ang ginagawa niya.

Aniya, “Kapag masyado tayong sensitive sa puna, kawawa naman yung taong bayan. Ang panahon ngayon, hindi pwedeng patuloy na nagkakamali”.

“Sana makinig naman. Sana wag masyadong maging balat-sibuyas. Yung datos ‘di galing sa akin, yung datos galing sa grupo, galing sa eksperto na mag-analisa ng datos,” dagdag pa niya.

Ito ang naging tugon ni Robredo matapos maunang igiit ni Presidential Spokesperson Harry Roque na naka-pokus ang pangalawang pangulo sa mga pagpuna sa mga kamalian ng admistrasyon sa paghawak nito sa Covid-19 krisis.

Itinanggi ito ni Robredo at sinabing patuloy sa pagtulong ang Office of the Vice President upang punan ang pagkukulang ng pamahalaang nasyonal. Nauna rin niyang sinabi na nasa “state of denial” ang gobyerno sa pagtugon nito sa Covid-19 pandemic.

Pinabulaanan ito ni Roque at sinabing walang basehan ang mga paratang ng pangalawang pangulo dahil transparent umano ang pamahalaan sa mga pagkukulang at mga napagtagumpayan nito.

Hinikayat din ng tagapagsalita ng pangulo na mag-request si Robredo sa mga ahensya ng ehekutibo sa kung anong impormasyon ang kakailanganin niya.

Sinabi noon ni Roque na ang Pilipinas ang isa sa mga bansang unang nagpatupad ng lockdown sa sentro ng outbreak sa pagsisimula ng pandemiya.

Subalit, idiniin ni Robredo na isa ang pamahalaan sa huling nagpahinto ng mga international flights na maaari sanang nakapagpigil sa pagpasok ng mga Covid-19 positive sa Kalakhang Maynila at sa iba pang panig ng bansa.

Pinaulanan din ng pambabatikos ang pamahalaang nasyonal mula sa mga lokal na opisyal dahil sa pagpapatupad nito ng Hatid Probinsya at Balik Probinsya programs na naging sanhi umano ng biglang pag-akyat ng Covid-19 cases sa mga lalawigan.

Naunang ipinahayag naman ng University of the Philippines OCTA Research Team na posibleng pumalo sa 40,000 ang bilang ng mga kaso sa bansa sa Hunyo 30, kung kaya’t kinakailangan aniya ang pagpapaigting sa testing capacity at contact tracing.

Batay sa datos noong Hunyo 28, nasa 34,803 na ang kabuuang kaso ng Covid-19 sa bansa. Sa bilang na ito 1,236 na ang nasawi habang 9,430 namana ang gumaling.

LATEST

LATEST

TRENDING