Nagpaalala sa publiko ang Department of Education (DepEd) na tatanggap pa rin ang ahensya ng enrollment applications hanggang Martes, Hunyo 30.
Ito ay alinsunod sa preparasyon ng mga pamahalaan sa pagpapatupad ng blended learning ngayong kasagsagan ng Covid-19 pandemic.
Binigyang diin din ng kagawaran na ang enrollment ay maaari lamang gawin sa pamamagitan ng pagsusumite ng mga application forms sa drop-boxes upang matiyak na walang pisikal na iteraksyon.
Hindi nito sinang-ayunan ang pisikal na pagsasagawa ng enrollment alinsunod sa mga health protocols kontra Covid-19.
Paraang distance learning ang nakitang solusyon ng kagawaran – na kinabibilangan ng online at offline na pagtuturo – habang kasalukuyang suspendido pa rin ang pisikal na pagdaraos ng klase.
Itinakda sa Agosto 24 ang pagbubukas ng klase.
Batay sa datos ng pamahalaan, nasa 15,182,075 na mga estudyante na ang nagpa-enroll, kabilang ang 14,548,915 sa mga pampumblikong eskwelahan.
Para sa mga katungan, iginiit ng DepEd na maaaring makipag-ugnayan sa barangay o sa pinakamalapit na division office o paaralan.
Maaari ring i-contact ang mga sumusunod na numero:
- Landline: (02) 8636-1663 or (02) 8633-1942
- Mobile: 0919-456-0027 or 0995-921-8461
- Email: action@deped.gov.ph
Puwede ring bisitahin ang website na www.deped.gov.ph/obe-be/.