Nakahanda nang magsumite ng mga dokumento ang Department of Budget and Management (DBM) sa Office of the Ombudsman alinsunod sa isinasagawang imbestigasyon tungkol sa disbursement ng pondo ng gobyerno bilang pagtugon sa Covid-19 pandemic.
Tiniyak ni DBM Secretary Wendel Avisado kay Ombudsman Samuel Martires na maaasahan nito ang buong pakikipagkooperasyon ng ahensya sa isinasagawang imbestigasyon.
Naunang sinabi ni Martires na nagpadala ang kanilang tanggapan ng mga subpoena para kay Avisado at kay Health Secretary Francisco Duque III upang kumalap ng mahahalagang dokumentong kakailanganin sa isinasagawang imbestigasyon ng Ombudsman tungkol sa pagresponde ng pamahalaan sa Covid-19 krisis.
“Nakahanda po ang ating kagawaran na tumupad sa mga kautusan na iyan,” ani Avisado.
Dagdag pa nito, “Kami naman dito sa DBM ay nakahanda at bukas nga sa pagkakaalam ko, isusumite na namin ‘yung mga dokumento na hinihingi ng Office of the Ombudsman”.
Ayon kay Avisado noong Hunyo 24, nasa P355.68 bilyon na ang naibigay ng DBM sa mga ahensya ng gobyerno upang gamitin sa iba’t-ibang hakbang sa paglaban kontra Covid-19.