50,000 Covid-19 tests bawat araw, bagong target ng pamahalaan

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Larawan mula sa: PIO Negros Occidental

50,000 ang bagong layuning bilang ng Covid-19 testing sa bawat araw na nais maabot ng pamahalaan, ayon kay Presidential Spokesperon Harry Roque.

Gayunpaman, hindi nito natupad ang naunang target na 30,000 tests kada araw. Noong Abril, una rin itong nagtakda ng target na 8,000 tests bawat araw sa dulo ng Abril subalit pumalpak din ito. Naabot ang mahigit 8,000 na kapasidad noong Mayo 10 lamang.

Sinabi naman ni Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire na nagbabalak magtest ang ahensya sa tinatayang 1.63 milyong Pilipino o katumbas ng 1.5% ng populasyon sa dulo ng Hulyo. Sa kasalukuyan, 558,163 katao pa lamang ang natetest para sa Covid-19 sa buong bansa.

Unang binanggit ni Roque na umabot na sa 30,000 tests ang daily testing target noong Mayo subalit nagkamali lang pala ito at iwinasto rin ang kanyang pahayag ng DOH sa pagsasabing nasa 8,500 hanggang 9,500 lamang ang kapasidad ng testing sa mga panahong iyon.

Kasalukuyang nasa 63 ang lisensyadong laboratoryo para sa Covid-19 testing sa buong bansa at 27 dito ang nasa National Capital Region (NCR).

Bagama’t nakapag-procure kamakailan ang Malacañang ng test kits na may kakayanang makapagsagawa ng ilang milyong tests, pinabulaanan nito ang panawagan para sa mass testing dahil imposible aniyang matest ang lahat ng tao sa bansa.

Subalit, isa itong misrepresentasyon sa tunay na adhikain ng mga nananawagan para sa mass testing kung saan ang ninanias nila ay magsagawa ng maigting na testing para sa may mga Covid-19 symptoms, health workers, at mga komunidad na may mga kumpirmadong kaso.

Sa kasalukuyan mga panuntunan, tanging mga healthcare workers at pasyenteng may malubhang sintomas lamang ang binibigyang prayoridad sa RT-PCR testing.

Idiniin ng DOH na kinakailangang sukatin ang kapasidad ng testing sa kapabilidad ng pamahalaan na makapagtest para sa mga kailangang itest.

The DOH has been consistent that an adequate testing capacity is not measured by achieving a target number or percentage of the population that could be tested; rather it is being able to make testing accessible to all those who need it (Mariin ang tindig ng DOH na ang kapasidad sa testing ay hindi nasusukat sa bilang ng natetest sa populasyon; kundi, sa kapabilidad nitong makapagtest para sa mga nangangailangan nito),” pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang huling ulat sa Kongreso.

Noong Hunyo 10, nabanggit ni Roque na makalipas ang 85 na araw ng quarantine, hindi pa rin mapantayan ng testing capacity sa bansa ang pag-detect ng Covid-19 cases.

LATEST

LATEST