Pagsuporta ni Duterte kay Duque, hindi makakaapekto sa imbestigasyon ng Ombudsman

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media

Hindi maaapektuhan ang isinasagawang imbestigasyon ni Ombudsman Samuel Martires kay Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III ng patuloy na pagsuporta ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kalihim, ayon sa Malacañang.

Tuloy pa rin ang imbestigasyon kaya nga sabi po ni Presidente, with all due respect to Ombudsman Martires, alam po niya na independiente at constitutional office ang Ombudsman at hindi po niya hinahadlangan ang imbestigasyon na ito,” ani Presidential Spokesperson Harry Roque.

Iginiit ni Roque na nagpahayag lamang ang pangulo ng kanyang pagtiwala sa mga miyembro ng kanyang Gabinete. Sinabi rin ni Roque na kampante ito kay Ombudsman Martires, na dating Associate Justice ng Korte Suprema, na magiging patas ang kanyang pag-iimbestiga.

Aniya,Alam po niya ang batas niya, titingnan lang niya kung mayroong nalabag na batas. Kung hindi man ang Anti-Graft Law then titingnan niya ang Salonga Law on Code of Conduct for Public Officers”.

Itinalaga ni Duterte bilang Ombudsman si Martires noong 2017.  Pareho ring nagtapos ang dalawa sa San Beda College of Law.

Sa kanyang talumpati noong Hunyo 22, sinabi ni Duterte na handa itong harapin ang Ombudsman at ipagtanggol ang kanyang mga opisyal.

“With due respect to the Ombudsman, the Honorable Martires, iniimbestiga pa niya pero kung ako, kung ako lang ang tanungin, kung ako ang imbestigahin niya, eh di magpunta talaga ako sabihin ko na I believe in the honesty and integrity of my people,” giit ni Duterte.

Mariin ang paniniwala ng pangulo at sinabing itataya niya ang kanyang reputasyon na wala sa kanyang mga opisyal ang sangkot sa anumang anomalya o di kaya ay matagal na niya aniyang sinibak ang mga ito.

Naunang sinabi naman ni Roque na kampante ang pangulo na madedepensahan ni Duque ang sarili sa Ombudsman.

Kampante naman po ang Presidente na masasagot po ni Sec. Duque lahat po iyang mga alegasyon sa Ombudsman,” wika ni Roque.

Bumuo ng pangkat si Martires para mag-imbestiga tungkol sa mga isyu sa pagbili ng 100,000 test kits ng DOH; pagkaantala sa procurement ng personal protective equipment (PPE) sets at iba pang medical gears; at ang mga alegasyon ng iregularidad at anomalya na ikinamatay at ikinahawa umano ng ilang health workers sa Covid-19.

LATEST

LATEST

TRENDING