Iginiit ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III na hindi maituturing na second wave ang biglang pagtaas sa mga kaso ng Covid-19 sa Lungsod ng Cebu.
“We do not consider the reason for the imposition of enhanced community quarantine (ECQ) as constituting the second wave. It is still part of the first wave. This is a pandemic wave as matter of fact (Hindi namin kinonsidera ang pagbabalik ng ECQ na dahilan ng ikalawang alon. Bahagi pa rin ito ng unang alon. Sa katunayan, isa itong pandemic wave),” ani Duque.
Idiniin ng kalihim na isang “continuing sustained transmission” ang nangyayari sa lungsod.
Sinabi naman nitong kampante ang pamahalaang nasyonal na mapapabagal ng lungsod ang case doubling time nito sa Covid-19 upang muling mapagaan ang community quarantine na umiiral dito.
Pagtutuunan din daw ng pansin ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) ang apela ni Cebu Governor Gwendolyn Garcia na ibaba sa modified general community quarantine (GCQ) ang klasipikasyon sa Cebu City.
Samantala, nilinaw naman ni Interior Secretary Eduardo Año na bagama’t muling ibinalik ang ECQ sa Cebu City, hindi na raw magkakaroon ng ikatlong bugso ng ayuda mula sa social amelioration program (SAP) para sa mga residente.
Gayunpaman, sinabi nitong makikipagtulungan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa lokal na pamahalaan para mamigay ng family food packs.