Pinakamataas na bilang ng Covid-19 cases sa isang araw, naitala noong Hunyo 23

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

Nakapagtala ang Pilipinas ng pinakamaraming bilang ng Covid-19 infections sa isang araw noong Martes, Hunyo 23,  sa bilang na 1,150, ayon sa Department of Health (DOH).

Pumalo na sa 31,825 ang kabuuang bilang ng mga kaso ng Covid-19 sa bansa, habang naitala naman ng matataas na kaso sa parehong “fresh” at “late” cases sa 789 at 361.

299 naman ang mga bagong gumaling para sa kabuuang bilang na 8,442 recoveries. Samantala, nasa 1,186 naman ang kabuuang bilang ng mga nasawi.

Nagpatuloy naman ang pag-spike sa bilang ng mga kaso sa Central Visayas. Ang Lungsod ng Cebu ay nakapagtala ng pinakamataas na bagong mga kaso sa 320. Sinundan ito ng Metro Manila sa 317, habang ang natitirang 513 naman ay nagmula sa iba’t-ibang rehiyon sa bansa.

Noong Hunyo 22, itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte si Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy Cimatu upang pangunahan ang mga hakbang kontra Covid-19 sa Cebu City, na may pinakamataas na Covid-19 cases sa bansa sa bilang na 4,479.

Sa huling pagpupulong ni Duterte kasama ang Inter-Agency Task Force (IATF), ang itinurong dahilan ng pangulo sa pagtaas sa bilang ng mga kaso sa Lungsod ng Cebu ay ang pagiging kampante aniya ng mga tao sa banta ng coronavirus habang nasa kalagitnaan ng pandemiya.

Noong Hunyo 23, dumating si Cimatu sa Cebu kasama sina Defense Secretary Delfin Lorenzana, Interior Secretary Eduardo Año, Health Secretary Francisco Duque III, at National Task Force Chief Implementer Carlito Galvez Jr., upang makipagpulong sa regional IATF tungkol sa mga gagawing hakbang para labanan ang Covid-19 krisis.

Samantala, 17 naman ang nadagdag sa mga nahawa ng Covid-19 sa hanay ng Philippine National Police (PNP).  Nasa 516 police personnel na ang nagpositibo sa nakamamatay na sakit, na may 294 na recoveries at siyam na deaths.

Sa mga Pilipino abroad, umakyat na sa 8,324 ang mga nagpositibo sa Covid-19 batay sa datos ng Department of Foreign Affairs (DFA) noong Hunyo 23. Ang bilang naman ng mga gumaling ay nasa 5,057 habang ang bilang ng mga nasawi at nasa 508.

LATEST

LATEST

TRENDING