Muling ipinagtanggol ni Pangulong Rodrigo Duterte si Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III, na kasalukuyang nahaharap sa mga alegasyon ng iregularidad at anomalya sa pagresponde ng ahensya sa Covid-19 pandemic.
Aniya, “I am very sure and I place my reputation on Secretary Duque that there was no corruption that happened there (Tiyak ako at itinataya ko ang aking reputasyon kay Secretary Duque na walang kurapsyong naganap doon)”.
Ito ay makalipas ang ilang araw mula nang ianunsyo ng Office of the Ombudsman na magsasagawa ito ng imbestigasyon tungkol sa delayed procurement ng mga personal protective equipment (PPE), kakulangan sa pagbibigay ng benepisyo para sa health workers na tinamaan ng Covid-19, at sa pagkaantala sa pag-uulat ng mga datos tungkol sa Covid-19.
“With due respect to the Ombudsman, the honorable Martires, iniimbestiga pa niya pero kung ako, kung ako lang ang tanungin, kung ako ang imbestigahin niya, eh di magpunta talaga ako sabihin ko na I believe in the honesty and integrity of my people (naniwala ako sa katapatan at integridad ng mga tao ko),” ani Duterte.
Iginiit naman ng pangulo na hindi magnanakaw si Duque sa pamahalaan dahil mayaman na aniya ito.
“Dili na niya kaya. Dili na niya kaya kay dato na ni daan si Duque. Naa ni’y hospital, naa ni’y eskwelahan, naa ni tanan. Hasta tanang gwapang asawa, naa niya. Mao ni’y importante, tanang—tanang gwapa (Hindi niya gagawin iyan. Hindi niya kaya iyan kasi mayaman na si Duque. Meron siyang ospital, eskwelahan, lahat-lahat kabilang na ang mga naggagandahang asawa, nasa kanya lahat. Ito ang importante – lahat magaganda),” pabirong tugon ni Duterte.
Noong Mayo, naunang ipinagtanggol ng pangulo ang kanyang kalihim sa DOH matapos pumutok ang alegasyon sa overpriced PPEs at medical supplies.
Binigyang diin ni Duterte na huwag sisihin si Duque dahil sumusunod lamang ito aniya sa kanyang mga utos.
Sinabi naman ni Duque na bumili na ng mga PPEs ang DOH kahit noong Pebrero pa.
“Mr. President, ay talagang nagsumikap po tayo, nagpunyagi po tayo na makuha ang sapat na bilang ng mga PPEs. Pero dahil nga po sa shortage, ‘yung global shortage po, Mr. President ay naghintay tayo nang matagal bago po tayo makakuha ng atin pong mga personal protective equipment,” wika ni Duque sa parehong taped address.
Ibinalita rin ni Duque na nabigyan na ng benepisyo ang pamilya ng 32 health workers na nasawi dahil sa Covid-19 at ang 19 na iba pang malubhang tinamaan nito.