Bagama’t mahigit isang buwan na lang bago ganapin ang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Hulyo 27, marami pa aniya ang isasapinal para rito.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, patuloy ang preparasyon para sa SONA sa gitna ng pandemiya. Posible aniyang maliit na grupo lamang ang dumalo sa Batasang Pambansa kung saan ginaganap ang SONA bawat taon.
“It will not be the same SONA that we’re used to (Hindi ito katulad ng mga naunang SONA). Siyempre po wala na iyong madamihang opisyales na mag-aattend, wala nang fashion show na pagandahan ng suot. Tingin ko po kakaunti lang ang mag-aassemble sa Kongreso,” ani Roque.
Hindi pa rin sigurado kung itutuloy ng pangulo ang kanyang SONA sa Batasan o kung isasagawa na lamang niya ito sa virtual na paraan.
Sinabi naman ni House Speaker Alan Peter Cayetano na kaligtasan ang pangunahing prayoridad na titignan sa pagdaraos ng SONA. Binigyang diin naman nito na ipaabot sa buong bansa ang SONA ni Duterte.
Naunang ipinahayag ng Malacañang na maaaring gumamit ng “blended” na pamamaraan ang pangulo sa paglalahad ng kanyang talumpati.
Sa ilalim ng Saligang Batas, inaatasan ang pangulo na maglahad ng kanyang SONA sa harap ng sesyon ng Kongreso sa ikaapat na Lunes ng Hulyo bawat taon, sa loob ng termino nito.