Inaasahang matatanggap ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga rekomendasyon ng kanyang mga legal advisers tungkol sa Anti-Terrorism Bill ngayong linggo, ayon sa Malacañang.
Inamin naman ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi ito sigurado kung nabasa na ba ni Duterte ang buong bill.
Aniya, “Hindi ko po alam kung talagang nabasa na niya nang buong-buo kasi hinihintay po natin iyong mga inputs”.
Sinabi ni Roque na nakapagsumite na ang Office of the Chief Presidential Legal Counsel at ang Department of Justice (DOJ) ng mga inputs, habang inaantay naman ang pagsusumite ng Deputy Executive Secretary for Legal Affairs.
Kapag handa na ang mga rekomendasyon, ipapadala na aniya ang mga ito kay Duterte.
“Sa tingin ko po by now, by this week eh maipiprisinta na ang bill itself at ang mga rekomendasyon ng iba’t ibang ahensiya kay Presidente,” ani Roque.
Nilinaw naman ni Roque na hindi papayagan ni Duterte na maisabatas ang panukala nang hindi ito pinipirmahan sa loob ng 30 araw simula Hunyo 9, ang petsa ng pagkakatanggap mula sa Kongreso.
“Thirty days naman po iyan at matagal pa iyang 30 days na iyan. Hayaan muna nating pag-aralang mabuti ng lahat ng mga opisina dito po sa Malacañang,” wika ni Roque.
Tinanggihan naman ni Roque ang mga naging pahayag ni retired Supreme Court (SC) Senior Associate Justice Antonio Carpio tungkol sa pagpapahintulot ng pag-aresto kahit walang warrant mula sa korte.
Depensa ng tagapagsalita ng pangulo, walang batas ang nagbabawal sa pre-detention at makatutulong din umano ito upang mapigilang tumakas ang mga sinususpetsahang terorista.
“Hindi po iyan sa tingin ko paglabag doon sa constitutional provision na tanging huwes ang pupuwedeng mag-issue ng warrant of arrest dahil hindi naman po binago iyang rule na iyan,” giit ni Roque.
Layuning amyendahan ng ipinapanukalang Anti-Terrorism Bill ang ilang probisyon Human Security Act of 2007 upang mabigyan ito ng pangil.
Sa ilalim ng bill, maaaring ma-detain ang mga suspek ng aabot sa 24 araw nang walang warrant. Ang sinumang sasapi sa organisasyong may kinalaman sa terorismo ay nahaharap sa 12 taong pagkakabilanggo.
Mariin naman tinutulan ng ilang mga netizens at progresibong grupo ang naturang bill dahil maaari itong maging ugat umano ng paglabag sa mga karapatang pantao.