Hindi na kailangang mangamba ang mga public utility vehicles (PUVs) tungkol sa curfew dahil hindi na sila mapapabilang dito, batay sa inilabas na Resolution No. 47 ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF).
Muling papayagan ang mga modern PUVs na magbalik-pasada sa pangalawang bugso ng pampublikong transportasyon sa Lunes, Hunyo 22.
Sa ilalim ng nabanggit na resolusyon, mga non-workers sa ilalim ng modified enhanced community quarantine (MECQ), general community quarantine (GCQ), at modified GCQ areas ang tanging saklaw ng curfew.
Pinaalalahanan din ng IATF ang mga awtoridad na bigyan ng makataong pagtrato ang mga residenteng lalabag sa curfew.
Aniya, “Law enforcement agencies in implementing and enforcing said curfew ordinances are likewise strongly enjoined to observe fair and human treatment of curfew violators. Public transportation, however, shall not be restricted by such curfew ordinances (Mariing hinihikayat ang mga awtoridad na obserbahan ang makataong pagtrato sa mga lalabag ng curfew. Hindi naman kabilang sa curfew ang mga pampublikong transportasyon)”.
Bukod sa PUVs, pinapahintulutan na ring magbalik-operasyon ang mga public utility buses (PUBs) at UV Express sa limitadong kapasidad sa pangalawang bugso ng pampublikong transportasyon.
Sa ngayon, tanging mga tren, bus augmentation units, taxis, Transport Network Vehicle Service (TNVS), shuttle services, point-to-point buses, at mga bisekleta ang pinapahintulutang bumiyahe.
Nauna ring sinabi ng Palasyo na posibleng payagan na ang ang pag-angkas o backriding sa mga motorsiklo bagama’t nananatili ang mahigpit na quarantine protocols kontra Covid-19.
Tinatayang nasa 3,600 PUBs at 1,500 na iba pang mga pampublikong sasakyan ang magbabalik-operasyon sa Lunes, Hunyo 22.
“Siguro matatapos na iyong hinagpis natin sa kakulangan ng public transportation beginning June 22 po,” ani Roque.
Gayunpaman, pinaalalahanan pa rin ng tagapagsalita ng pangulo na panatilihin ang physical distancing habang wala pang natutuklasang bakuna laban sa Covid-19.