Pinahalagahan ng Malacañang ang mga naging kontribusyon ni Pangalawang Pangulo Leni Robredo sa laban ng pamahalaan kontra Covid-19. Ito ay paglilinaw matapos umani ng pambabatikos si Presidential Spokesperson Harry Roque dahil sa naging komento nitong dapat magbigay na lamang aniya ng solusyon si Robredo sa Covid-19 pandemic sa halip na puro pamumuna lang ang gawin nito.
“Be that as it may, this does not diminish the fact we acknowledge the contributions of the Vice President in the fight against Covid-19 (Kahit ganoon, hindi natin maitatanggi ang mga naging kontribusyon ng ating Pangalawang Pangulo sa laban kontra Covid-19) ,” ani Roque.
Noong Hunyo 17, inabisuhan ni Roque si Robredo na magbigay na lamang ng mga solusyon kung paano matutugunan ang mga locally stranded individuals (LSIs) sa halip na puro kritisimo lang ang ibinabato sa pamahalaan.
Ang mga binitawang pahayag ni Roque ay hindi naman ikinatuwa ni dating senador Antonio Trillanes IV. Hinamon din nito ang pamahalaan na i-appoint si Robredo bilang pinuno ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID).
Pinabulaanan naman ito ni Roque at iginiit na ginagawa lamang ito ni Trillanes para maging matunog na naman ang kanyang pangalan. Iginiit ni Roque na ang kanyang mga naging komento ay pagtugon lamang aniya sa isang nagtanong na mamamahayag.
Binigyang diin ni Roque na hindi na kinakailangang i-appoint si Robredo sa IATF kung sinsero naman ito sa mga ginagawang pagtulong sa krisis. Idinagdag din ng tagapagsalita ng pangulo na ipagbibigay-alam niya sa IATF-EID ang mga suhestyong ihahain ni Robredo sa pagtugon kontra Covid-19.
Aniya, “We reiterate this to the Vice President: If she could offer solutions on how to address those who earlier tested negative for Covid-19 in Metro Manila but tested positive once they reach their respective provinces, I would be more than willing to submit her proposed solutions to the Inter-Agency Task Force (Inuulit ko po sa Pangalawang Pangulo: Kung siya ay makapagbibigay ng solusyon sa problemang kinakaharap ng mga nagnegatibo sa Covid-19 sa Metro Manila subalit nagpositibo naman pagkauwi, hindi po ako magdadalawang-isip na isumite ito sa IATF-EID).”