Tinanggihan ng Department of Health (DOH) ang panawagan ni Senador Sherwin Gatchalian na mag-leave of absence muna si DOH Secretary Francisco Duque III habang nagsasagawa ang Office of the Ombudsman ng imbestigasyon hinggil sa mga iregularidad at anomalya ng ahensya sa pagtugon sa Covid-19 pandemic.
“Hindi pa natin nakikita ang pangangailangan para mag-leave si Secretary Duque para dito sa sinasabing imbestigasyon na isasagawa ng Ombudsman,” ani DOH Spokesperson Maria Rosario Vergeire.
Ayon kay Vergeire, buo ang pagsuporta ng ahensya kay Duque. Nagagawa rin aniya ng maayos ang mga tungkulin ng undersecretaries dahil sa mahusay na liderato ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Noong Hunyo 18, nagpahayag si Gatchalian na nararapat lamang na mag-leave of absence muna ang kalihim habang nasa kalagitnaan ng imbestigasyon upang masiguro ang pagiging patas nito.
Isa rin si Gatchalian sa mga senador na naghain ng resolusyon upang ipanawagan ang pagbibitiw ni Duque bilang kalihim ng DOH noong Abril.
Noong Hunyo 17, ibinalita ng Ombudsman na kasalukuyan itong nagsasagawa ng imbestigasyon sa mga iregularidad at anomalya ng DOH tungkol sa kalituhan at pagkaantala sa pag-uulat tungkol sa Covid-19 cases; at ang mga kakulangan ng ahensya na ikinamatay aniya ng ilang health workers dahil sa Covid-19.
Magpapadala rin ng subpoena si Ombudsman Samuel Martires kay Budget Secretary Wendel Avisado at kay DOH Secretary Duque.
Ayon naman kay Vergeire, nakahanda naman umano ang DOH na makipagkooperasyon sa Ombudsman sa isinasagawang imbestigasyon.