Nagtungo ang grupong Gabriela kasama na ang ilang mga maninida, tricycle at jeepney drivers, at iba pa sa opisina ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Batasan Road, Quezon City upang iprotesta ang kakulangan aniya ng ibinigay na ayudang pinansyal mula sa social amelioration program (SAP).
Habang naka-physical distancing, naging maingay ang rally ng mga grupo habang isinisigaw ang mga hinaing at bitbit ang ilang placard.
Ayon kay Maritess Arboleda ng Gabriela, hindi sapat aniya ang P8,000 na ayuda bilang pangtustos sa dalawang buwan na gastusin sa ilalim ng lockdown dahil karamihan sa mga manggagawa ay nawalan ng trabaho.
Pinuna rin ng grupo ang mga naging kakulangan di umano ng pamahalaan sa mga ipinatutupad na mga programa kontra Covid-19 katulad ng mass testing at ang pamimilit sa pagsasabatas ng Anti-Terror Bill habang nasa kasagsagan ng pandemiya.