Bagama’t walang ibinigay na petsa, posible na aniyang magbalik-operasyon ang mga jeepney sa Kalakhang Maynila, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque.
Gayunpaman, ang mga papahinlutan lamang na bumiyahe sa kalye ay iyong mga ituturing na “road worthy” ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Titignan din sa pagpapasya kung sapat ang bilang ng mga bus at modernong public utility vehicles (PUV) para tugunan ang mga pangangailangan ng commuter sa National Capital Region (NCR).
Aniya, “Siyempre po hayaan nating pag-aralan iyan ng LTFRB although alam naman din ng LTFRB na wala tayo maibigay na alternative livelihood at kulang talaga ang mga sasakyan sa kalye, baka kinakailangang subject to health standards”.
Samantala, hindi pa rin tiyak kung papahintulutan na ang muling pagpasok ng mga provincial buses sa Kamaynilaan sa pagpapatupad ng ikalawang bugso ng pampublikong transportasyon sa Hunyo 22.
Ipinaliwanag ni Roque na kabilang ang mga nasabing bus sa inisyal na listahan. Subalit, pinapayagan lamang ito kung nasa modified general community quarantine (MGCQ) na ang Metro Manila. Noong Hunyo 15, nagdesisyon si Pangulo Rodrigo Duterte na ipagpatuloy ang pag-iral ng general community quarantine sa Kalakhang Maynila.
Tatalakayin pa ang usapin na ito ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) at asahan aniyang magbababa ito ng pinal na pagpapasya tungkol sa mga provincial buses.
Tuloy naman ang pag-arangkada ng mga modern PUVs sa ikalawang bugso. Ayon sa ipinresentang datos ng tagapagsalita ng pangulo, 18,813 Transport Network Vehicle Service (TNVS) units na aniya ang bumibiyahe sa Kalakhang Maynila. 16,701 naman ang mga taxi, 271 na point to point buses, at 90 na bus augmentation units ang nagsasagawa ng operasyon ngayong panahon ng GCQ.