Muling nagbabala sa taumbayan si Pangulong Rodrigo Duterte noong Hunyo 15 na huwag munang lumabas ng tahanan hangga’t kinakailangan dahil hindi pa rin tapos ang laban kontra Covid-19.
Aniya, “Hindi ko kayo mapigilan na lumabas. Hindi ko kayo mahuli lahat. Ang problema pati mga bata…you allow children to go out when the place is not yet ready for them outside, at nagkasakit [sila], ‘wag ninyo kaming sisihin. Do not forget that we warned you about the grave consequences (Wag niyong kalimutang pinaalalahanan namin kayo sa posibleng masamang mga pangyayari).”
“Madami pa ang namamatay,” dagdag pa nito.
Nanawagan ang pangulo sa mga Pilipino na panatilihin pa rin ang pag-obserba sa mga ipinatutupad na health protocols katulad ng physical distancing at pagsusuot ng face masks.
Batay sa datos noong Lunes, Hunyo 15, aabot na sa 26,420 ang kabuuang kaso ng Covid-19 sa bansa, kabilang ang 1,098 na nasawi at 6,252 na gumaling.
Inamin naman ni Duterte na hindi siya sigurado kung nasa second wave o pangalawang bugso na ng Covid-19 infections ang bansa dahil patuloy pa rin aniya ang pag-akyat sa bilang ng mga kaso.
Binigyang diin naman ng pangulo ang kanyang mariing pagtutol sa pisikal na pagdaraos ng klase sa mga silid-aralan hangga’t wala pang bakuna laban sa nakakamatay na sakit.
“In your desire to resume classes (Sa pagnanais niyong pumasok ng klase), ang kapalit niyan is really… the COVID is still here (nandito pa rin ang COVID). Instead, we will follow a blended learning approach. Part of this learning strategy is distance and online learning using communications technology and digital devices (Sa halip, magpapatupad tayo ng sistemang blended learning. Bahagi ng estratehiyang ito ay ang distance at online learning gamit ang teknolohiya at mga gadyet),” ani Duterte.