Maria Ressa, handa na sa hatol para sa kasong cyberlibel

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Maria Ressa (Rappler CEO at Executive Editor)

Nakahanda na ang beteranong mamamahayag na si Maria Ressa sa posibleng ilang taong pagkakakulong hinggil sa kinakaharap na kasong cyberlibel bago ilabas ang hatol sa Lunes, Hunyo 15.

I’m ready. I’m prepared for the worst. Rappler is prepared for the worst but we are desperately hoping for the best because we believe that the mission of journalism is extremely important today (Handa na ako at ang Rappler kung may masamang mangyayari. Subalit, patuloy akong umaasa na magtatagumpay dahil ang misyon ng pamamahayag ay labis na mahalaga ngayon),” ani Ressa sa isang virtual interview sa International Center for Journalists.

Ilalabas ng Manila Regional Trial Court Branch 46 ang hatol sa isinampang  kaso ng cyberlibel kay Ressa at sa isang dating mananaliksik ng Rappler ng businessman na si Wilfredo Keng.

Inakusahan ni Keng ang dalawa tungkol sa paninira aniya ng kanyang reputasyon matapos ilathala noong May 2012 ang isang artikulong nagsasabing pinahintulutan niya si dating Chief Justice Renato Corona na gumamit ng SUV. Kabilang din sa naturang artikulo ang impormasyong nakuha mula sa isang intelligence report na ikinuwento ang kahinahinalang nakaraan ni Keng.

Ayon kay Ressa, CEO at executive editor of Rappler, isinantabi niya ang takot upang may magawang makabuluhan.

Aniya, “The attacks were 4 years in the making… I was arrested last year, not once but twice. As the verdict day came closer and closer, I know the possibility is there. I said this to the Princeton Class of 2020, the day we accomplish things is to embrace our fear (Apat na taong pinagplanuhan ang pag-atake… Dalawang beses akong inaresto noong nakaraang taon. Habang papalapit sa araw ng paghahatol, naroon yung posibilidad. Sinabi ko ito sa mga nagsisipagtapos sa Princeton Class of 2020, ang araw na may magagawa tayong mabuti ay ang araw na yayakapin natin ang ating kinatatakutan).”

Bukod sa cyberlibel case, nahaharap ang Rappler at si Ressa sa reklamong tax fraud, paglabag sa Securities Regulation Code at ng Anti-Dummy Law, at iba pa.

Iginiit ng award-winning journalist na ang mga kasong isinampa sa kanya at sa Rappler ay pamamaraan ng administrasyong Duterte na patahimikin ang mga pumupuna dito, isang pahayag na itinanggi ng Palasyo.

Ayon kay Ressa, na tinanghal bilang Time magazine Person of the Year noong 2018, ang pamamahayag ay hindi lamang tumutulong na mapanagot ang katiwalian sa pamahalaan, ito rin ay katuwang ng pamahalaan sa panahon ng krisis.

We believe we are helping the government, especially in the time of COVID when they seem lost. Journalists ask questions not to be critical, it is to ask questions to help them find answers if they don’t know how. A government being defensive forgets the check and balance of journalism (Naniniwala kaming tinutulungan namin ang gobyerno lalo na ngayong panahon ng Covid kung saan tila nawawala sila. Nagtatanong ang mga mamamahayag hindi upang maging kritikal, kundi upang matulungan silang makahanap ng sagot kung hindi nila alam. Ang depensibong pamahalaan ay nakakalimot sa check and balance ng pamamahayag),” wika ni Ressa.

Pinaalalahanan din ni Ressa, na tampok sa PBS investigative documentary na “A Thousand Cuts,” ang publiko na maging mapagmatyag at patuloy na lumaban kontra fake news at sa mga pagbabanta laban sa karapatang pantao, demokrasya, at kalayaan sa pamamahayag.

Do not feel helpless. This is in your hands. This is your chance to build the democracy that we deserve because if you don’t do anything then we will get what we deserve (Huwag panghinaan ng loob. Nasa kamay niyo ito. Pagkakataon ninyong itaguyod ang demokrasyang dapat tinatamasa natin kasi kung hindi, makukuha natin kung ano ang nararapat sa atin),” pagbibigay diin nito.

Ang “A Thousand Cuts,” na dinirekta ni Ramona Diaz, ay inilalarawan ang patuloy na tensyon sa pagitan ng mga mamahayag at ng pamahalaan dahil sa pagbabanta kontra sa malayang pamamahayag.

LATEST

LATEST

TRENDING