Duterte at Xi, tinalakay ang Covid-19 response isang araw bago ang Araw ng Kalayaan

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Larawan mula sa: The Philippine STAR

Isang araw bago ipagdiwang ang ika-122 na Araw ng Kalayaan ng Pilipinas, nagkausap sa telepono sina Pangulong Rodrigo Duterte at Chinese President Xi Jinping para talakayin ang iba’t-ibang hakbang kontra Covid-19.

Batay sa isang pahayag na inilabas ng Chinese Embassy sa Manila, kinilala ng dalawang lider ang pagtutulungan at pagkakaibigan ng dalawang bansa sa kasagsagan ng pandemiya.

“I am glad to see that under your leadership, the Philippines has introduced a series of strong prevention and control measures and achieved positive results (Natutuwa akong makita ang iba’t-ibang positibong resulta ng mga ipinatupad mong hakbang bilang pagtugon sa Covid-19),” pagpuri ni Xi kay Duterte.

Ayon kay Xi, mariin nitong susurpotahan ang bansa sa pagtugon nito sa pandemiya, na nagmula sa lungsod ng Wuhan sa China noong Enero.

China upholds the concept of a community of shared future for mankind, provides funds, experience and confidence for global prevention and control, and extends a helping hand to countries in need (Naniniwala ang China sa konsepto ng pagtutulungan ng mga bansa, at patuloy itong magibigay ng pondo, suporta, at tulong para sa mga bansang nangangailangan),” ani Xi.

Palaging pinasasalamatan ng admistrasyong Duterte ang China sa mga naging tulong nito sa bansa ngayong panahon ng krisis. Ipinahayag din ng administrasyon ang pagsuporta sa China sa pagtuklas nito ng bakuna kontra Covid-19.

Noong Mayo 10, nagbigay ang China ng  100 ventilators, 150,000 testing kits, 70,000 medical protective suits, 70,000 N95 medical masks, 1.3 million surgical masks, at 70,000 medical protective goggles.

Nauna namang nagbigay ang Pilipinas ng surgical face masks, protection suits, medical gloves, sanitation products at goggles para sa lalawigan ng Hubei, ang sentro ng pandemiya sa China.

Sa kanyang liham para kay Xi noong Hunyo 9 bilang paggunita sa ika-45 na anibersaryo ng Philippines-China diplomatic relations, nanawagan si Duterte para mas paigtingin pa ang ugnayan ng dalawang bansa sa gitna ng pandaigdigang krisis.

Binigyang diin ni Duterte na isang malapit na kapitbahay at kaibigan ang China at gagawin ng Pilipinas ang makakaya nito upang panatilihin ang magandang samahan ng dalawang bansa.

Ito ay sa kabila ng tensyon sa pagitan ng Manila at Beijing sa usapin ng teritoryo sa West Philippine Sea, kung saan inaaako ang ilang mga isla ng China.

Noong 2016, naglabas ng kapasyahan ang Permanent Court of Arbitration sa Netherlands na pumabor sa Pilipinas tungkol sa mga pinag-aawayang teritoryo sa West Philippine Sea.

Gayunpaman, nang maupo bilang pagulo si Duterte, nagdesisyon itong isantabi ang kapasyahan ng The Hague at magpatupad ng joint oil and gas exploration kasama ang China sa mga pinag-aagawang teritoryo.

Bagama’t malinaw ang kapasyahan ng Permanent Court of Arbitration, nananatiling agresibo ang China sa pagkamkam nito ng mga isla sa West Philippine Sea at tayuan ng mga military outposts ang mga ito.

Noong nakaraang taon, naghain ng diplomatic protest ang pamahalaan sa pagdeklara ng China ng dalawang bagong distrito sa West Philippine Sea na nagngangalang Sansha City at sa insidenteng pagtutok ng radar gun ng isang Chinese warship sa barko ng Philippine Navy.

LATEST

LATEST

TRENDING