Pangalawang bugso ng SAP, posibleng ibigay na sa susunod na linggo

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media

Ang naantalang pamamahagi sa pangalawang busgo ng ayudang pinansyal ay posible nang maisakatuparan sa susunod sa linggo, ayon sa Malacañang.

“Kasama ko po kanina lang si [DSWD Secretary Ronaldo Bautista], ang sabi niya sa akin by next week ay ready na sila magdistribute,” ani Presidential Spokesperson Harry Roque.

Dagdag pa, “It will take them two days to distribute electronically and the rest with the assistance of the Armed Forces (Dalawang araw ang itatagal ng electronic distribution at ang iba ay sasamahan ng tulong ng mga sundalo)”.

Naunang sinabi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na noong nakaraang linggo pa dapat sana inumpisahan ang pamamahagi ng ayuda, subalit naantala ito dahil sa vina-validate pa rin ang listahan ng mga benepisyaryo.

Batay sa isang memorandum na inilabas ng Palasyo noong Mayo 22, limang milyong benepisyaryo ang idinagdag para sa kabuuang 17 milyong benepisyaryo.

Sa isang hiwalay na media briefing, ipinaliwanag naman ni DSWD Undersecretary Rene Glen Paje na kinakailangan munang i-validate ang listahan upang matiyak ang pagiging totoo ng mga benepisyaryo at upang maiwasan ang duplikasyon.

“Inaasahan po natin na sa linggong ito ay masisimulan na ang pagbibigay ng pangalawang tranche ng SAP (Social Amelioration Program) o ng ating mga ayuda,” giit ni Paje.

Gagamitin ng pamahalaan ang ReliefAgad, isang sistemang online sa distribusyon ng SAP, kung saan maaaring pumili ang mga benepisyarypo ng mode of payment – kung cash, PayMaya, Gcash, o pagdeposito sa bank account.

Sa mga kasong hindi puwedeng idaan sa online, ipapamahagi ang ayuda sa tulong ng mga pulis at sundalo.

Tiniyak ni Roque na patuloy ang pagratsada ng pangalawang bugso ng ayudang pinansyal bagama’t hindi naisabatas ang Bayanihan to Recover As One Act. Ang pagpasa ng nasabing panukalang batas ay maaari sanang nagpalawig sa paggamit ng emergency powers ng pangulo hanggang Setyembre bilang pagtugon sa Covid-19.

Ang naunang batas na Bayanihan to Heal As One Act naman ay itinakdang magtatagal lamang hanggang Hunyo.

Sa ilalim nito, pinahintulutan si Duterte na makapagbigay ng  ₱5,000 hanggang ₱8,000 na ayuda sa 18 milyong mahihirap na pamilya sa loob ng dalawang buwan. 98% ng mga benepisyaryo ang nakatanggap mula sa unang busgo ng distribusyon, subalit ang implementasyon nito ay naging usad-pagong at nabalot ng alegasyon ng katiwalian.

LATEST

LATEST

TRENDING