Roque: Quarantine protocols, posibleng lumuwag sa susunod na linggo

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Ipinakitang graph ni Presidential Spokesperson Harry Roque tungkol sa Covid-19 cases

Posibleng gumaan o tanggalin ang quarantine protocols sa karamihan ng mga lalawigan sa susunod na linggo pagkatapos maitala ang pagbaba ng mga kaso ng Covid-19 sa bansa, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque said.

Maaaring maglabas ng opisyal na kapasyahan bago mag Hunyo 15.

Ipinakita ni Roque ang isang graph noong Hunyo 8, kung saan ipinapakita dito ang mga kumpirmadong nagpositibo sa Covid-19 batay sa petsa kung kailan unang nagpakita ng sintomas ang pasyente. Ito ay kaiba sa kasalukuyang pamamaraan ng pag-uulat kung saan nakabatay ito ayon sa araw kung kailan lumabas ang positibong resulta ng pasyente.

“Kapag ni-record natin sa ganitong pamamaraan, makikita niyo kung bakit tama lang naman na nag-GCQ na tayo sa Metro Manila at sa iba pang mga lugar dahil nakikita niyo na bumababa na po ang kaso ng COVID sa atin,” paliwanag ni Roque sa isang  Malacañang briefing.

Dagdag pa, “I would say that it is a safe conclusion na magkakaroon na naman po ng reclassification, except iba talaga ang data ng Metro Manila.” 

Iba raw ang datos ng Metro Manila kung ihahambing ito sa pangkalahatang trend ng bansa kaya kinakailangan ang maingat na pagkilatis kung dapat na bang sumailalim sa modified general community quarantine (MGCQ) ang Kamaynilaan.

Nasa 21,895 na ang kabuuang kaso ng Covid-19 sa bansa, kung saan 12,000 dito ay nasa Kalakhang Maynila. 7,951 na mga pasyente naman ang itinuturing na active cases batay sa datos noong Hunyo 7.

Karamihan sa mga lalawigan sa bansa ay nasa ilalim ng MGCQ kung saan pinapayagan ang paglabas ng tahanan maliban sa mga residenteng 21-anyos pababa at 60-anyos pataas. Nagbukas na rin ang lahat ng industriya, subalit ang mga sektor ng turismo at entertainment ay limitado lamang sa 50% na kapasidad.

Kasalukuyang nasa general community quarantine (GCQ) ang Metro Manila, Pangasinan, Regions 2, 3, 4-A, at 7, Davao City, at Zamboanga City kung saan pinapahintulutan ang mga industriyang magbukas maliban na lamang doon sa mga kabilang ng Category 4 o restricted sectors.

Magpupulong muli ngayong linggo ang Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) kasama ang pangulo upang talakayin ang magiging kapalaran ng mga lalawigan at lungsod. Posibleng sa Davao ganapin ang pagpupulong dahil dito namamalagi si Pangulong Duterte sa kasalukuyan.

Samantala, limitado naman ang mga commercial flights habang hindi pa pinapayagan ng mga lokal na pamahalaan ang pagbubukas ng kani-kanilang mga paliparan dahil sa patuloy na banta ng Covid-19.

LATEST

LATEST

TRENDING