Nakipagpulong sina Cooperative Development Authority (CDA) Assistant Secretary Virgilio “Boy” Lazaga at Assistant Regional Director Abet Sabarias sa mga kinatawan ng Samahang Organikong Industriya sa Laguna (SOIL).
Naganap na pagpupulong upang isulong at itatag ang mga kooperatiba sa bayan ng Nagcarlan. Makatutulong aniya ito upang mapalawak ang organic farming at matulungan ang ilang mga magsasakang makapaghanapbuhay. Bibigyan di umano ng prayoridad ang pagpapaigting sa natural farming kasama na rin ang pag-aalaga ng mga hayop sa natural na mga pamamaraan.
Isa rin sa mga naging adhikain ng naturang pagpupulong ay ang pagsusulong ng food security sa komunidad lalo na’t nasa kasagsagan ng Covid-19 pandemic ang buong mundo. Ang paggamit aniya ng mga organikong mga produkto ay mainam para sa kalusugan ng tao lalo na ngayong panahon ng pandemiya.
Patuloy na ipinapanawagan ng grupo ang kalahagahan ng organikong pagsasaka upang masiguro ang magandang pangangatawan ng bawat Pilipino sa pamamagitan ng pagkonsumo ng mga masusustansyang pagkain. Iginiit nitong dapat nang iwaksi ang paggamit ng mga chemical fertilizers na nagdudulot lamang ng perwisyo sa kalusugan ng tao.
Noong nakaraang taon, nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act No. 11364 o Cooperative Development Authority Charter of 2019 upang palakasin ang ahensyang nangangasiwa sa mga kooperatiba sa bansa.
Pangungahing prayoridad ng CDA ay ang pagsusulong at pagtatatag ng mga agricultural, agrarian at aqua cooperatives na magsisilbing hakbang para makamit ang food security at maibsan ang kahirapan sa kanayunan.
Layunin din ng ahensya ang pagtatag ng mga programang magtatag at magpapalakas sa mga cooperative banks.