Duterte, pinuri ang kapulisan sa pagpapatuloy ng drug war sa gitna ng pandemiya

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media

Papuri ang nakuha ng hanay ng kapulisan mula kay Pangulong Rodrigo Duterte para sa ipinamalas na katapangan at dedikasyon sa paghuli ng mga kriminal na sangkot sa iligal na droga, bagama’t nasa kasagsagan ng Covid-19 pandemic.

Kinilala ni Duterte ang walang kapagurang pagsisikap ng pulisya upang maipanalo ang kampanya kontra iligal na droga. Ang pagkilala ng pangulo ay kasabay ng pagkakasabat ng P5.1 bilyong halaga ng shabu sa parehong araw sa isang operasyon sa Marilao, Bulacan.

Aniya, “Despite the pandemic, police are working (Sa kabila ng pandemiya, nagtatrabaho pa rin ang mga pulis). So kita mo ang mga pulis ko, nagta-trabaho, unmindful of the fact that they can get the Covid by their dedication. So officially, I would like to congratulate the PNP (hindi alintana ang posibilidad na mahawa sila sa Covid-19. Kaya naman, opisyal kong binabati ang PNP)”.

Timbog ang isang Chinese national at dalawang katuwang nito sa isinagawang buy-bust operation sa isang warehouse sa Lias Village, Marilao, Bulacan noong Hunyo 4.

Ang mga inaresto ay sina Yuwein Cai, Angela Miole Tulio, at Ma. Lyn Miole Tulio.

63 kahong naglalaman ng 756 kg. na shabu, na may estimated street value na P5.14 bilyon, at P1 milyon boodle money ang nakamkam ng mga awtoridad mula sa mga salarin.

Iginiit ng pangulo na talamak pa rin ang kalakalan ng iligal na droga kahit na pinaigting ang mga hakbang sa pagsugpo dito.

“Kita mo PHP5.1 billion, malaki ito. Hindi matapos ito. Sabi ko ganito, PHP5.1 billion, it will destroy my country (P5 bilyon, ikakasira ito ng bansa),” ani Duterte.

Inamin ng pangulo na walang katapusan ang kanyang pagkamuhi sa iligal na droga dahil wawasakin di umano nito ang bansa.

Muli naman itong nagbabala tungkol sa pagdakip sa mga drug suspek.

If you destroy my country distributing PHP5.1 billion of shabu all throughout the country, I will kill you. I will kill you (Kung sisirain mo ang bansa ko sa pagbebenta ng P5.1 bilyong shabu sa buong kapuluan, papatayin kita. Papatayin kita),” pagbibigay diin ng pangulo.

LATEST

LATEST