Napagpasyahan ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, matapos makipagpulong sa Local School Board ng lungsod, na bumili ang lokal na pamahalaan ng mga tablet at laptop upang magamit ng mga pampumblikong mag-aaral at mga guro sa pagbubukas ng pasukan.
“Bibili tayo ng 110,000 na tablet para sa mga Batang Maynila. Walang tosgas (gastos) na ang mga magulang,” ani Yorme.
Ang mga nabiling tablet ay ipapahiram sa tinatayang 110,000 na mga pampublikong mag-aaral mula kinder hanggang Grade 12 upang makalahok sila sa pinapakulang online learning system ngayong panahon ng pandemiya. 11,000 laptops naman ang ipapahiram sa mga guro.
Ayon kay Mayor Isko, kasama na rin sa tablet ang 12 GB na data allocation, na may 2 GB para sa Youtube. Ang mga laptop naman ay sasamahan na rin ng pocket WI-FI.
“Ayokong pumasok yung (mga) bata na walang kapasidad ang eskwelahan na magturo,” giit ng alkalde.
Ipapamahagi ang mga nabiling gadyet bago magbukas ang pasukan para sa taong 2020-2021.
Sinabi naman ng Manila Public School Teachers Association (MPSTA) na malaki ang maitutulong ng naturang programa sa pagtahak ng mga estudyante at guro sa online o digital learning.
“Ito ay isang malaking pag-asa na ibinibigay ng alkalde na maipagpapatuloy ang pag-aaral ng mga Batang Maynila sa gitna ng pandemic crisis na nararansan ng marami sa atin,” wika ni Louie Zabala, board member of MPSTA.
Dagdag pa niya, “Hindi lahat ng lungsod ay mayroong ganitong sense of accountability sa education ng kanyang kabataan”.