Extension sa emergency powers ng pangulo, aprubado na sa komite ng Kamara

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media

Inaprubahan na sa Committee of the Whole ng Mababang Kapulungan noong Hunyo 3 ang panukalang pag-extend, nang tatlo pang buwan o hanggang Setyembre 30, sa pagbibigay ng special powers kay Pangulong Rodrigo Duterte sa ilalim ng Republic Act 11469 o ang Bayanihan to Heal as One Act.

Binuong muli ang Committee of the Whole ng Kamara upang maaprubahan ang isang bill na layuning pag-isahin ang House Bills 6811, 6868, 6952, at House Resolution 910.

Ang karagdagang kapangyarihang ibinigay kay Duterte ay itinakdang magtatagal lamang ng tatlong buwan simula Marso 24, 2020. Subalit, maaari itong palawigin ng Kamara.

Isa ring probisyon sa panukalang batas ay ang pagbibigay ng P162-bilyon na standby fund upang mapondohan ang mga iba’t-ibang hakbang kontra Covid-19.

Kabilang sa naturang standby fund ay ang P12 bilyon para sa procurement ng polymerase chain reaction (PCR) testing at extraction kits; P18 bilyon para sa implementasyon ng cash-for-work program; P5 bilyon para sa Assistance to Individuals in Crisis Situation Program; P21 bilyon para sa unemployment o involuntary separation assistance sa mga displaced na manggagawa; at P50 bilyon para sa pagbibigay ng kapital sa mga government financial institutions.

Kasama rin sa pondo ang ilang ayudang pinansyal para sa apektadong sektor katulad ng P21 bilyon para sa agrikultura; P21 bilyon para sa transportasyon; P10 bilyon sa turismo; at P4 bilyon sa sektor ng edukasyon.

LATEST