Maliban kay Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III, pinagalitan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga opisyal ng ahensya dahil sa pagkaantala sa pamimigay ng benepisyong pinansyal sa mga health workers na tinamaan ng Covid-19.
Bagama’t hindi nilinaw ng pangulo kung sinu-sino ang mga ito, pinagbantaan niyang sisibakin ang mga ito.
Aniya, “The power to appoint carries with it the power to dismiss. Since it’s an absolute thing for total loss of confidence, I’m removing them because they’re not functioning. We are wasting money paying for these idiots (Kaakibat ng kapangyarihang magtalaga ay ang kapangyarihang magpatalsik. Dahil wala na akong tiwala sa kanila, tinatanggal ko na sila dahil hindi sila nagtratrabaho ng maayos. Nasasayang lang ang pera pinapambayad sa kanila)”.
Sa ilalim ng Republic Act No. 11469 o ang Bayanihan to Heal As One Act, ang mga pampubliko at pampribadong health workers na malubhang tinamaan ng Covid-19 habang ginagampanan ang tungkulin ay makatatanggap ng P100,000, habang ang pamilya naman ng mga nasawi ay makatatanggap ng P1 milyon.
Tatlong buwan mula noong naipasa ang nasabing batas, wala pa ring ni isang health worker ang nabibigyan kahit mahigit 2,600 na ang mga nagpositibo at 32 naman ang nasawi sa nakamamatay na sakit.
Dahil dito, nagbigay ang pangulo nang hanggang Hunyo 9 bilang deadline upang maisakatuparan ang pamimigay ng mga benepisyong malinaw na nakasaad sa batas.
Sinisi rin ni Duque ang kanyang staff tungkol sa naturang problema.
“Nakakahiya talaga. Namatayan na nga, tapos nagpawardi-wardi ang mga tao ko. Parang walang sense of urgency. Talagang ang sama-sama talaga ng loob ko,” giit ng kalihim.
Inatasan naman ng pangulo si Duque na bumuo ng isang grupong mangangasiwa sa distribusyon ng nabanggit na benepisyo sa loob ng 24 oras.
Ayon sa DOH, ang unang bugso nga mga cheke ay naipamahagi na sa mga nagluluksang pamilya, habang ang iba naman ay handa na para i-pick-up at –i-deliver sa mga benepisyaryo. Bibigyan aniya ito ng prayoridad sa susunod na dalawang araw.
Naunang sinabi ni DOH Usec. Maria Rosario Vergeire na ang dahilan ng pagkaantala ng pamimigay sa mga benepisyo ay ang kawalan ng pondo na magsisilbing benepisyong pinansyal para sa mga apektadong health workers.
Nilagdaan na di umano ni Duque ang isang joint administrative order kasama ang Department of Budget and Management (DBM) at Department of Labor and Employment (DOLE) sa halip na maglabas ng implementing rules and regulations (IRR). Isa ring dahilan ng pagkaantala sa pagbibigay ay ang kawalan ng IRR.
Magmumula ang pondong ipapamahagi sa Medical Assistance Fund ng ahensya na kasalukuyang nasa P100 milyon. 79 healthcare workers na malubhang tinamaan ng Covid-19 ang makatatanggap ng P100,000 bawat isa, habang ang mga pamilya naman ng 32 na nasawi ay makatatanggap ng P1 milyon.