Duque, sinisi ang staff sa pagkaantala ng benepisyo para sa health workers

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media

Kung tatanungin si Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III, ang kanyang staff ang may kasalanan tungkol sa pagkaantala sa pagbibigay ng mga karampatang benepisyong nakasaad sa Bayanihan to Heal as One Act para sa mga health workers na tinamaan at nasawi sa Covid-19.

Sa isang pagpupulong kasama si Pangulong Rodrigo Duterte sa Davao City, sinabi ni Duque na walang “sense of urgency” o pag-aapura ang kanyang staff tungkol sa isyu.

“Nakakahiya talaga, sir eh. Namatayan na nga tapos nagpaka wardy-wardy ‘yung mga tao ko na parang walang sense of urgency,” giit ni Duque.

Dagdag pa, “Iyon ang talagang ang sama-sama po ng loob ko, Mr. President”.

Nangako naman ang kaihilim na tutuparin niya ang kahilingan ng pangulo na maibigay ang mga benepisyo sa loob ng itinalagang deadline na Hunyo 9.

Sa ilalim ng Republic Act No. 11469 o ang Bayanihan to Heal As One Act, ang mga pampubliko at pampribadong health workers na malubhang tinamaan ng Covid-19 habang ginagampanan ang tungkulin ay makatatanggap ng P100,000, habang ang pamilya naman ng mga nasawi ay makatatanggap ng P1 milyon.

Noong Hunyo 4 lamang inanunsyo ng DOH na inaprubahan na ang mga pamantayan hinggil sa distribusyon ng naturang mga benepisyo.

Inatasan naman ng pangulo si Duque na bumuo ng isang pangkat na mangangasiwa sa pamimigay ng benepisyong pinansyal sa loob ng 24 oras.

 “I’m sorry to drag you into this (Paumanhin kung isinama kita dito),” tugon ni Duterte kay Duque.

Ayon sa datos ng DOH, mayroong 32 health workers na nasawi dahil sa Covid-19 na kinabibilangan ng apat na nurses, 26 na doktor, at dalawang non-medical staff.

LATEST