Hindi na makakatanggap ng hazard pay ang ilang kawani ng pamahalaan na pisikal na papasok muli sa trabaho sa ilalim ng general community quarantine areas (GCQ), ayon sa Civil Service Commission (CSC).
“Pag nag-GCQ na po tayo wala na pong hazard pay,” wika ni CSC Commissioner Aileen Lizada. Ang P500 na arawang hazard pay ay para lamang doon sa mga piling government personnel na patuloy na pumasok sa opisina noong kasagsagan ng enhanced community quarantine (ECQ).
Nilinaw naman ni Lizada na patuloy pa ring makakatanggap ng hazard pay ang mga alagad ng batas at health workers.
Noong Marso, inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbibigay ng hazard pay sa mga empleyado ng pamahalaan na patuloy ang pisikal na pagpasok sa trabaho bagama’t nasa lockdown.
Ang mga kabilang na empleyado ay ang mga kawani ng national government agencies, state universities at colleges, at government-owned or –controlled corporations (GOCCs).