Balot pa rin ng takot ang mga residente ng Kalakhang Maynila sa pagtungo sa mga mall bagama’t isinailalim na ang Kamaynilaan sa mas magaang modified enhanced community quarantine (MECQ) noong Mayo 16, ayon sa Chief Implementer ng National Task Force on COVID-19 na si Secretary Carlito Galvez Jr.
Sa ulat nito kay Pangulong Rodrigo Duterte, sinabi ni Galvez na ang mga nagsipagpuntahan sa mga mall ay nasa “10 to 20 percent of the mall capacity… it’s like… people are still afraid to go to the malls (10% hanggang 20% lang ng kabuuang kapasidad ng mall… tila takot pa rin ang mga taong pumunta sa mga mall)”.
Dagdag pa ni Galvez, simula Mayo 16, nasa 20% hanggang 30% lang ng operasyon ang ginawa ng mga mall.
“The area of the malls that are filled with people is the supermarket. But we saw that those who opened are observing precautions (Supermarket ang pinakamataong parte ng mall. Nag-iingat din ang mga nagsipagbukas na mall),” wika ni Galvez.
Puno naman ng pag-asa aniya ang mga pamunuan ng mall na makakapagbalik-operasyon sila sa 100% na kapasidad sa mga susunod na araw.