GCQ, kalbaryo para sa mga commuter

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Kuha ni: Jo Razon

Hirap ang dinanas ng libu-libong mga manggagawang nagsipagbalik trabaho sa unang araw ng pag-iral ng general community quarantine (GCQ) sa Kalakhang Maynila dahil sa kawalan ng masakyan.

Bagama’t pinapayagan na ang mga pampublikong transportasyon, limitado naman ang bilang ng mga maaaring sumakay.  

“Sabi nila maraming masasakyan. May P2P, may modified jeep na masasakyan, hanggang ngayon ang mga tao nakapila,” reklamo ni Igmedio Duloroc, isang commuter sa Litex Road.

Sinabi ni Department of Transportations (DOTr) Secretary Arthur Tugade na hindi nangako ang pamahalaan na manunumbalik nang 100% ang pampublikong transportasyon.

Aniya, “Nakikiusap kami at nagsusumamo sa inyo na bigyan niyo kami ng pasensiya at understanding… Wala kaming pinangako o sinabi na ang transportasyon ay magiging extensive and will meet the requirements of all on the first day of GCQ — and even in the duration of the GCQ for that matter (at matutugunan na ang pangangailangan sa kabuuan ng GCQ). Because as I’ve said, our approach is partial, limited, calculated, and gradual (Sa nabanggit ko, magiging dahan-dahan ang ating mga paghakbang).”

Sa GCQ, ipinagbabawal pa rin ang pagpasada ng mga jeepney. Ang mga public utility buses at UV Express naman ay papayagan lamang sa paglipas ng ilang linggo.

Balik-operasyon din ang LRT at MRT-3 ngunit nasa 10% hanggang 12% lang mula sa regular na kapasidad ang pinapahintulutan. Mula sa dating 1,000 na pasahero noon, 100 na lang ang pinapayagan ngayon upang matiyak ang physical distancing.

Nagsasagawa rin ng temperature checks bago makapasok sa mga istasyon. Samantala, ang PNR naman ay nakapagsasakay ng 35% ng mga pasahero mula sa normal nitong kapasidad.

90 na MRT augmentation buses ang pinayagang bumiyahe sa apat na pick-up at drop off points sa EDSA. Ang mga ito ay sa North Avenue, Quezon Avenue, Ayala Avenue, at Taft Avenue.

Balik-pasada rin ang mga taxi at point-to-point o P2P buses alinsunod sa ilang mga kondisyon. Ang mga traysikel naman ay maaari lamang bumiyahe kung may pahintulot mula sa nasasakupang pamahalaang lokal. Mananatili namang bawal ang pag-angkas sa motorsiklo o back-riding.

Ang GrabCar ay balik na rin sa kalye subalit nagreklamo ang ilang mga commuter na hindi matukoy ng GrabCar ang kanilang lokasyon.

Makalipas ang dalawang buwang lockdown, nanumbalik muli ang trapiko sa mga lansangan ng Kamaynilaan habang mas maraming mga Pilipino ang nagsisipagbalik sa trabaho.

Patuloy pa rin ang pagpapatupad ng mga checkpoints, curfew, travel restrictions, striktong physical distancing, at pagsunod sa minimum health standards.

Nagbabala naman si Professor Guido David mula University of the Philippines na posibleng magkaroon ng pagtaas sa mga kaso ng Covid-19 sa ilalim ng GCQ dahil sa paggalaw ng tao.

Aniya, “Sa GCQ, we expect na mag-iincrease pa rin [yung number of cases] kasi hindi madaling ma-contain yung pandemic pag na-increase yung mobility.”

Ilang senador din ang nagpahayag ng parehong pananaw dahil sa kakulangan pa rin ng testing sa bansa.

LATEST

LATEST

TRENDING