Hindi na kailangan ang mga quarantine pass sakaling ituloy ang pagpapatupad ng general community quarantine (GCQ) sa Metro Manila ay mga karatig-lugar, ayon kay sa commander ng Joint Task Force Coronavirus Shield na si Police Lt. Gen. Guillermo Eleazar.
Ito ay dahil mas marami na ang papayagang lumabas maliban na lamang sa mga edad 21 pababa at 60 pataas. Subalit, papahintulutan din ang mga senior citizen na mga naghahanap-buhay at mga awtorisadong bumili ng mga pangunahing bilihin at serbisyo.
“Hindi ibig sabihin na tayo’y allowed nang lumabas, eh sana nasa bahay na lang tayo kung hindi naman kinakailangan. Pero sinasabi nga natin this is partially opening the economy, dapat po naman ay naaayon lang doon sa guidelines. Remember sayang naman itong mga pinaghirapan natin kung mababalewala,” paalala ni Eleazar.
Iginiit din niyang magpapatupad pa rin ng curfew sa ilalim ng GCQ. Para naman sa mga nagnanais bumiyahe palabas ng Kamaynilaan, kailangang kumuha muna ng travel authority upang makadaan sa mga checkpoint.
“Pero bago siya magkaroon ng travel authority na iiisyu [namin], kailangan po ng medical clearance certificate… Para po sa ating mga kababayan na locally stranded individuals, ang kailangan nyo po, foremost requirement is medical clearance certificate from the LGU health office. Patulong po kayo sa barangay at ‘pag meron na kayo niyan, puwede niyo pong dalhin sa help desk ng police station sa area niyo,” wika ni Eleazar.