Binalaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga negosyante na iwasan ang profiteering at hoarding ng mga essential medical equipment habang patuloy ang laban kontra Covid-19.
Ito ay matapos niyang ipag-utos sa National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang alegasyon ng overpricing ng isang lokal na supplier sa mga binili nitong test kits at machines; at pagkaantala sa delivery ng mga ito.
Aniya, “Alam mo, itong mga p*t*ng*n*ng negosyanteng ito, it’s really an issue of humanity and their greed (usapin ito ng pagiging makasarili ng tao). ‘Yung hoarding ano, you cannot, it’s part of the business practices which you may call not even obnoxious, it’s repulsive to the human mind when you start to think about it (Yung hoarding, isa itong hindi magandang gawain sa larangan ng negosyo)”.
Iginiit ni Duterte na reresolbahin niya ang problema sa legal na paraan.
Ibinunyag ni dating Department of Health (DOH) Secretary at ngayon ay Iloilo Rep. Janette Garin na may isang lokal na supplier na pag-aari di umano ng mag-asawang “V.E.” ang nasa likod ng overpricing at pag-antala sa delivery ng mga test kits at machines. Ayon kay Garin, dinagdagan ng naturang supplier nang triple sa presyo ng manufacturer ang mga test kits at machines na ngayon ay naka-hoard.
Noong nakaraang linggo, kinuwestyon ng Senado ang DOH at Department of Budget Management (DBM) tungkol sa mga anomalya hinggil sa overpricing ng mga PPE, test kits, at machines.
Isang pribadong kumpanya di umano ang bumili ng nucleic acid extractors, na ginagamit sa pagproseso ng Covid-19 test, sa halagang P1.75 milyon lamang kada isa habang ang pagkakabili ng DOH sa parehong makina ay nasa P4 milyon bawat isa.