Paglahok ng Pilipinas sa vaccine trials, aprubado na ng IATF

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Pangulong Rodrigo Duterte kasama ang IATF_EID

Aprubado na ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID), sa pamamagitan ng inilabas na Resolution No. 39, ang planong paglahok ng Pilipinas sa clinical trials para sa bakuna kontra Covid-19.

Sa naturang resolusyon, isang sub-technical working group sa pangunguna ng Depertment of Science and Technology (DOST) ang nilikha upang makipag-ugnayan sa Department of Health (DOH), Food and Drug Administration (FDA), Research Institute of Tropical Medicine (RITM), at World Health Organization (WHO) tungkol sa partisipasyon ng bansa sa nasabing clinical trials.

Makakasama ng Pilipinas ang ilang organisasyon tulad ng Adimmune Corporation, Academia Sinica, Chinese Academy of Science-Guangzhou Institute of Biomedicine and Health, Sinopharma-Wuhan Institute of Biological Products at Beijing Institute.

Nakasaad din sa resolusyon na ang mga kalahok na organisasyon ay bibigyan ng requirements mula sa WHO para sa gaganaping clinical trials katulad ng pre-qualification process para sa WHO approvals; updated guidelines sa clinical trials mula sa FDA.

Ayon naman sa ika-8 ulat ni Pangulong Duterte sa Kamara, kasalakuyang nakikipag-usap ang DOST sa ilang Chinese at Taiwanese organizations at research groups para sa posibleng clinical trials tungkol sa bakuna kontra Covid-19.

Ang pagtatapos ng clinical trials ay isa rin sa magiging requirement para sa pagpaparehistro ng bakuna sa FDA upang mabigyan ito ng Certificate of Product Registration nang mapahintunlutan ang malawakang pagbebenta ng bakuna sa bansa.

Sa ilalim din ng parehong resolusyon, sinusuportahan ng IATF-EID ang panukala ng DOST na lumikha ng mga research centers na magpapakalakas at magpapaigting sa mga pag-aaral hinggil sa mga bakuna. Inerekomenda ng DOST ang pagtatatag ng Virology S&T Institute sa New Clark City at pagbabalik-operasyon ng Pharmaceutical Development Unit sa Industrial Technology Development Institute ng DOST bilang Tuklas Lunas Center for Pharmaceuticals Development.

Nabanggit ng WHO na mayroon lamang anim na candidate vaccines para sa Covid-19 at inaasahang mailalabas sa publiko ang bakuna sa susunod na 18 na buwan. Binigyang diin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa isa niyang talumpati ang intensyong bumili kaagad ng bakuna sakaling dumating na ito.

Kamakainlan ay naglunsad ng isang “Solidarity Trial,” o international clinical trial, ang WHO at mga partners nito, upang matest ang pagiging epektibo at ligtas ng mga posibleng magawang bakuna laban sa Covid-19. Inaasahang lalahok ang Pilipinas sa naturang Solidarity Trial.

LATEST

LATEST

TRENDING