NCR mayors, pabor sa pagpapaluwag ng lockdown para sa pagbubukas ng ekonomiya

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Kuha ni: JL Javier

Ilang alkalde sa Kalakhang Maynila ang pabor sa panukalang pagpapagaan ng lockdown sa ilang bahagi ng National Capital Region (NCR) upang mabuksang muli ang ekonomiya sa pagtatapos ng modified enhanced community quarantine (MECQ) sa Kamaynilaan.

Ayon kay Parañaque City Mayor at Metro Manila Council Chairman Edwin Olivarez, nakahanda nang sumailalim sa general community quarantine (GCQ) ang Kalakhang Maynila bunsod sa matagumpay na pagpapatupad ng ilang paghihigpit na nagresulta sa pagpapabagal ng hawaan sa Covid-19.

Magpupulong muli ang Metro Manila Council, na kinabibilangan ng lahat ng alkalde sa Metro Manila, sa Miyekules, Mayo 27, upang magbalangkas ng isang rekomendasyon kung papaluwagin o hindi ang community quarantine sa NCR.

“Ibabalanse natin eh. Mai-open natin ang economy, at the same time, hindi natin nape-prejudice ang ating healthcare,” paglilinaw ni Olivarez. Dagdag pa, “‘Yung sa aming report ng aming city health office, itong past 10 days halos nagfa-flatten kami.”

Sinang-ayunan din nila Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian at Navotas City Mayor Toby Tiangco ang panukalang GCQ sa Kamaynilaan. Ayon kay Gatchailan, sa pagpapanatili ng testing, tracing, at isolating, mabubuksan muli ng mga alkalde ang ekonomiya habang napipigilan ang paglaganap ng Covid-19.

Subalit, nagpahayag naman ng hindi pagsang-ayon si San Juan City Mayor Francis Zamora, na sinabing mas mabuti kung mananatili muna ang rehiyon sa MECQ nang dalawa pang linggo upang matiyak ang pagbaba ng mga kaso ng Covid-19.

Naunang binanggit ni Covid-19 response chief implementer Carlito Galvez Jr. ang posibilidad ng targeted lockdown matapos ang Mayo 31, kung saan ilang bahagi lang sa halip na buong lungsod ang ipapasailalim sa community quarantine.

Sinuportahan ito ni Olivarez at Tiangco. Sumag-ayon din si Zamora at Gatchalian subalit iginiit din na maaaring hindi na isama sa targeted lockdown ang kanilang mga nasasakupan sapagkat naagapan na nila ang paglaganap ng virus.

Kasalukuyang nasa modifed ECQ ang Metro Manila, Bataan, Bulacan, Laguna, Nueva Ecija, Pampanga, at Zambales, hanggang dulo ng Mayo. Samantala, nasa ECQ pa rin ang lungsod ng Cebu at Mandaue habang nasa GCQ naman ang natitirang bahagi ng bansa.

Sa huling tala, mahigit 14,000 na ang bilang ng mga nagpositibo sa Covid-19 sa bansa. Sa bilang na ito, mahigit 800 na ang nasawi habang 3,000 naman ang gumaling.

LATEST

LATEST

TRENDING