Naabot na ng bansa ang target nitong 30,000 Covid-19 tests kada araw noong Mayo 20 kung saan nakapagtala ng 32,100 tests, ayon sa Malacañang.
Subalit, ipinaliwanag ni Presidential Spokesperson Harry Roque na ang bilang na ito ay ang “national testing capacity” at hindi ang aktwal na isinasagawang testing ng pamahalaan bawat araw. Sa katunayan, ang aktwal na bilang ng isinasagawang tests ay hindi tataas sa 10,000.
Sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosasrio Vergeire na ang 32,000 ay ang estimated maximum capacity kada araw ng lahat ng lisensyadong laboratoryo sa bansa.
Iginiit naman ni Roque na ang pagpapalawig sa kapasidad ng testing sa bansa ay inisyal na hakbang upang mas maparami pa ang bilang ng mga isinasagawang tests sa hinaharap.
Aniya, “This means more accredited laboratories and more automated machines so that we are capable of testing up to 30,000 plus per day (Ibig sabihin nito, kinakailangang paramihin pa ang mga laboratoryo at automated machines upang maisakatuparan natin ang target na 30,000 testing bawat araw)”.
Noong Mayo 24, iniulat ng Department of Health (DOH) na nakapagsagawa ito ng 8,283 Covid-19 tests noong Mayo 23. Sa mga nagdaang araw, di tataas sa 10,000 tests kada araw ang isinagawa maliban noong Mayo 14 kung saan nakapagtala ng 11,123 screenings, batay sa ulat ng DOH.
Sa pagsapit ng Mayo, nagbukas ng mga swabbing centers ang pamahalaan bilang pag-iigting sa laban kontra Covid-19. Binanggit din ng tagapagsalita ng pangulo ang layunin na makapagbukas ng 66 testing centers sa buong kapuluan sa pagtatapos ng Buwan.
Ayon sa datos noong Mayo 24, aabot na sa 14,035 ang bilang ng mga nagpopositibo sa Covid-19 sa bansa. Sa bilang na ito, 868 na ang nasawi habang 3,249 naman ang gumaling.