IATF, tatalakayin ang estado ng ECQ at MECQ areas sa susunod na linggo

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Pangulong Rodrigo Roa-Duterte kasama ang IATF-EID

Muling magpupulong ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) sa susunod na linggo upang talakayin ang magiging kapalaran ng mga lugar na sumasailalim sa enhanced community quarantine (ECQ) at modified enhanced community quarantine (MECQ) na magtatapos sa dulo ng buwan.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, inaasahang magaganap ang naturang pagpupulong sa darating na Lunes (Mayo 25) at Miyerkules (Mayo 27).

Sa kasalukuyan, tinatapos na ang pagbabalangkas ng mga panibagong pamantayan sa general community quarantine (GCQ) at modified general community quarantine (MGCQ) “kasi ang importante ngayon dapat malinaw kung ano ang GCQ at ang modified GCQ dahil doon nga papunta”, ayon kay Roque.

Ang lungsod ng Cebu, Mandaue, at sampung barangay sa Navotas City ay nananatiling nasa ECQ. Samantala, umiiral ang modified ECQ sa Metro Manila, Laguna at ilang bahagi ng Central Luzon, habang nasa GCQ naman ang natitirang bahagi ng bansa.

Habang ang susunod na hakbang para sa mga MECQ areas ay magtransisyon patungo sa GCQ, at ang GCQ areas naman ay patungo sa MGCQ, sinabi ni Roque na kakalap pa rin ng mahahalagang datos ang IATF-EID upang gamitin sa gagawin nitong pagpapasya sa susunod na linggo.

“Pero encouraging naman dahil may nabasa naman ako sa UP Research na nagpapakita na karamihan ng lugar sa Pilipinas ay mahigit kumulang ang doubling rate ng mga sakit ay napakatagal na. ‘Yung graph na nakita ko 30 days. ‘Yan po ang nagsasabi na puwede na nga siguro, pero titignan natin ang official na datos ng Department of Health,” dagdag pa ni Roque.

Gayunpaman, binigyang diin pa rin ng tagapagsalita ng pangulo ang mahigpit na pagsunod sa mga alituntinin ng “new normal” katulad ng pagsusuot ng face masks, tamang paghugas ng kamay, pagkain ng mga masusustansyang pagkain, sapat na pahinga, at regular na ehersisyo.

LATEST

LATEST

TRENDING