Sa isang pagpupulong sa Malacañang, sinabi ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rolando Bautista na nakikipagtulungan ang ahensya sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) sa distribusyon ng ayudang pinansyal mula sa sa Social Amelioration Program (SAP) ng pamahalaan.
Inaasahan ni Pangulong Rodrigo Duterte na mas mapapabilis ang pamamahagi ng ayuda dahil sa tulong ng pulis at militar. Subalit, nilinaw ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi tatanggalan ng papel ang mga local government units (LGUs) sa pagpapatupad ng SAP. Aniyi, “Hindi naman ibig sabihin ay itsapuwera na ang mga barangay, siyempre mayroon pa rin pong importansiya dahil kakilala nila iyong mga tao sa lugar “
Layunin din ng panibagong patakaran ang masigurong maibibigay sa itinalagang mga benepisyaryo ang nakalaang ayuda at maiwasan ang pagkakaroon ng dayaan.“Isipin ninyo na lang ‘yung mga nandadaya diyan, ‘yung mga kumakana diyan ay maiiwasan dahil wala na pong hihingi ng hati doon sa mga tao na binibigay sa mga beneficiaries,” dagdag pa ni Roque.
Aabot sa 23 barangay officials ang nahaharap sa reklamo tungkol sa anomalya sa distribusyon ng SAP. Apat naman ang inaasahang masasampahan ng kaso habang 110 naman ang nasa “case buildup”.
Ayon kay Interior Secretary Eduardo Año, 97% na ng ayudang pinansyal ang naibibgay. Sa ilalim ng SAP, makakatanggap ang mga pamilyang mahihirap ng aabot sa P5,000 hanggang P8,000 para sa buwan ng Abril ng Mayo upang matulungan silang matustusan ang mga pangangailangan sa kasagsagan ng krisis.
23 milyong pamilya ang tinatayang makakatanggap sa unang bugso habang 18 milyon naman sa pangalawa. Kinakailangan ding magsumite muna ang mga LGU ng liquidation reports tungkol sa unang bugso bago makag-umpisang mamahaging muli sa pangalawang bugso.
Inaasahan ang paglalabas ng memorandum tungkol sa pangalawang distribusyon ng SAP sa susunod ng linggo, ayon sa tagapagsalita ng pagngulo.