Ang mga tinaguriang “silent spreader” o mga asymptomatic na pasyente ng Covid-19 ay hindi pa rin prayoridad matest ayon sa Department of Health (DOH).
Sinabi ni DOH Secretary Franciso Duque III sa isang Senate hearing na sa kasalukuyan ay may apat silang kategorya nang mga dapat unahing matest at hindi kabilang ang mga asymptomatic dito. Dagdag pa niya, limitado rin ang kapasidad ng testing sa bansa kaya saka na muna ang mga asymptomatic.
Bilang depensa, iginiit ng kalihim na “Ang WHO (World Health Organization), hanggang ngayon po, wala po silang ulat o ebidensiyang nakakalap na magpapakita na nakakahawa ang mga asymptomatic. WHO po ‘yan”.
Subalit, paliwanag ng WHO sa website nito, “Some reports have indicated that people with no symptoms can transmit the virus. It is not yet known how often it happens. WHO is assessing ongoing research on the topic and will continue to share updated findings (May mag naiuulat na may kakayanang makahawa ang mga pasyenteng walang sintomas. Ngunit, patuloy na inaalam kung gaano ito kadalas mangyari. Patuloy din ang ginagawang pananaliksik at asahang maglalabas ng update kung kinakailangan)”.
Tinatayang nasa 13,221 na ang bilang ng mga kumpirmadong kaso ng Covid-19. Sa bilang na ito, 842 na ang nasawi habang 2,932 naman ang gumaling.