Pagbabalik ng ECQ, masyado pang maaga para malaman

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
ACE MORANDANTE/PRESIDENTIAL PHOTO

Pagbabalik ng enhanced community quarantine (ECQ) sa ilang lugar matapos paluwagin ang lockdown, masyado pang maaga para matukoy, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque.

Aniya, “Masyado pang maaga kasi alam naman natin na 14 days ang period na lumilipas bago natin malaman kung marami pa ang magkakasakit dahil nga doon sa dagsaan ng mga tao sa malls.

Subalit, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi ito mag-aatubiling ibalik ang ECQ kung magkakaroon muli ng mga pagtaas sa bilang ng kaso. Hinikayat naman ni Roque ang taumbayan na manatili na lang muna sa kani-kanilang mga tahanan hangga’t maaari sapagkat namamayagpag pa rin ang bantang hatid ng Covid-19.

Kamakailan lamang ay naglipana sa social media ang iba’t-ibang mga larawang nagpapakita ng paninikip sa mga mall at kawalan ng physical distancing. Nagdulot ito ng pangambang maaaring magkaroon muli ng panibagong hawaan ng coronavirus.

Sa datos noong Mayo 16, sinabi ng tagapagsalita ng pangulo na may 13,457 total bed capacity ang Kalakhang Maynila para sa mga pasyente ng Covid-19. Maaaring mapuno kaagad ang mga ospital at iba pang quarantine facilities kung mapaiikli sa dalawang araw ang doubling time ng coronavirus.

Kasalakuyang umiiral ang modified enhanced community quarantine (MECQ) sa Metro Manila, Laguna, Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, at Zambales hangganng Mayo 31. Nananatili namang nasa ECQ ang lungsod ng Cebu at Mandaue habang nasa general community quarantine (GCQ) ang natitirang bahagi ng bansa.

Iginiit din ni Roque na patuloy ang pakikipag-ugnayan ng pamalaan sa pribadong sektor upang mas mapalakas pa ang kapasidad ng isinasagawang testing. “Expanded targeting” ang kasalukuyang sistema ng ipinatutupad na testing ng gobyerno dahil wala itong kakayanan na itest ang buong populasyon sa kapuluan.

Bilang paglilinaw, nasa 1.5 hanggang 2% ng kabuuang 110 milyong populasyon ng bansa ang inaasahang isasailalim sa testing. Layunin ng pamahalaan na makapagtest ng aabot sa 30,000 kada araw at makapag-accredit ng 90 laboratories sa dulo ng buwan..

Sa datos noong May 19, nakapagtala na ng aabot sa 12,942 kumpirmadong kaso ng Covid-19 sa bansa. Sa bilang na ito, 837 na ang nasawi at 2,843 naman ang gumaling.

LATEST

LATEST