ECQ, maaaring ibalik kung di masusunod ang physical distancing

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media

Binalaan ng Palasyo ang publiko na posible nitong ibalik ang enhanced community quarantine (ECQ) kung hindi masusunod ang physical distancing at iba pang crowd control measures habang nasa labas ng tahanan. Kamakailan ay ipinatupad sa Metro Manila at ilang mga lalawigan ang mas magaaang modified enchanced community quarantine (MECQ) upang mabigyan ng pagkakataon na mabuksang muli ang ekonomiya.

Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na nauunawaan niya ang pananabik ng taumbayan na magtungo sa mga mall subalit kinakailangan pa ring panatilihin ang disiplina sa pagsunod sa mga patakaran habang wala pang natutuklasang bakuna para sa Covid-19. Aniya, “Kung lahat tayo ay lalabas ng ganyan kadami at hindi mag-o-observe ng social distancing, unang-una babalik po tayo sa ECQ. Kung ayaw niyo po bumalik, puwede ba ho bawasan na yung paglabas. Marami talaga hahawa ng Covid-19.”

Binigyang diin din ni Roque na ang pagtaas ng Covid-19 cases ay katumbas ng pagkonti ng mga hospital beds para sa mga bagong pasyente. Sa datos noong Mayo 16, mayroong 13,457 na bed capacity para sa mga pasyente ng Covid-19 sa Kalakhang Maynila. Giit niya, maaaring maubusan kaagad ng mga kama ang mga bagong pasyente ng Covid-19 kung iikli ang “doubling time” ng mga kaso sa dalawang araw. “Doubling time” ang tawag sa panahong itinatagal ng pagdoble ng mga Covid-19 cases sa isang lugar, ayon sa Department of Health (DOH).

Naunang sinabi ni Joint Task Force Covid Shield commander Lt. Gen. Guillermo Eleazar na ipapasara ang mga mall na hindi magpapatupad ng physical distancing. Bukod sa pagpapasara, maaari ring sampahan ng kaso ang pamunuan nito.

Kasalukuyang nasa ilalim ng MECQ ang Metro Manila, Laguna, Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, at Zambales hanggang Mayo 31. Ang lungsod ng Cebu at Mandaue naman ay nananatiling nasa ECQ habang ang natitirang bahagi ng bansa ay nasa ilalim ng GCQ.

LATEST