Pagsasara ang magiging kapalaran ng mga mall kung hindi magpapatupad ng physical distancing, ayon kay Joint Task Force Covid Shield commander, Lt. Gen. Guillermo Eleazar. Ito ay matapos maglipana ang mga social media posts na nagpapakita ng kawalan ng physical distancing sa muling pagbubukas ng mga mall noong Mayo 16. Naiulat din ang pagsisikip ng trapiko dahil sa pagpasok at paglabas ng tao sa National Capital Region (NCR) sa unang araw ng modified enhanced community quarantine (MECQ) noong Mayo 16.
“As per instruction of the SILG (Secretary of the Interior and Local Government Eduardo Año), we will not only facilitate the closure of these malls but will also initiate the filing of appropriate charges against the management, (Alinsunod sa utos ni SILG Año, ang mga lalabag na malls ay hindi lang ipapasara, kundi sasampahan din ng kaso ang pamunuan nito)”, giit ni Eleazar sa isang pahayag. Inatasan niya ang lahat ng police commanders na magpatrolya sa loob ng mga mall upang mabantayan ang paggalaw ng tao at masigurong nasusunod ang physical distancing at pagsusuot ng face masks.
Kinakailangan ding kabisaduhin ng mga police commanders ang mga pamantayan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) at Department of Trade and Industry (DTI) ukol sa balik-operasyon ng mga mall at iba pang negosyo. Sinabi ni Eleazer na ipinagbigay-alam na sa mga police commanders ang pangalan ng mga mall at iba pang establishimentong hindi nagpatupad ng physical distancing. Inatasan din niya ang mga ito na makipagpulong sa mga pamunuan ng mall para maipaliwanag ang maaaring kaharapin nito sakaling lumabag sa mga quarantine protocols. Positibo naman si PNP spokesperson, Brig. Gen. Bernard Banac na masasanay din ang publiko sa mga pamantayan ng MECQ.
Base sa mga alituntunin, dapat inalam na ng mga mall security managers ang lawak ng mga malls nito upang magka-ideya kung ilang tao ang maaaring papasukin. Limitado lamang dapat sa isang tao ang bawat two square meters ng common areas sa mall. Dapat ding magpatrolya ang security guards at iba pang empleyado ng mall para siguruhin ang physical distancing at pagsusuot ng face masks. Ang mga hindi mapapabilang sa maximum capacity ay kinakailangang pumila sa labas habang sinusunod pa rin ang physical distancing.
Kasalukuyang nasa ilalim ng MECQ hanggang Mayo 31 ang Metro Manila, Laguna, Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga at Zambales. Nananatiling nasa ECQ naman ang lungsod ng Cebu and Mandaue habang nasa GCQ naman ang ibang mga lugar na hindi sakop ng MECQ o ECQ. Sa bansa, 12,513 na ang nagpositibo sa Covid-19, 824 ang nasawi at 2,635 ang gumaling.